Ipinasagip at binigyan ng pansamantalang matutuluyan ni Cainta Mayor Kit Nieto ang mahigit 50 indibidwal, kabilang ang ilang bata, na ginawang tirahan ang bangketa malapit sa creek na naghihiwalay sa Metro Manila at Cainta sa kahabaan ng Marcos Highway.
Sa kanyang Facebook post, ibinahagi ng alkalde na nakita niya mismo ang grupo na nakatira sa daanan ng mga tao kung saan nagkalat ang kanilang mga gamit at basura.
Ayon kay Nieto, karaniwang dumarayo ang mga ito sa kanilang bayan tuwing papalapit ang kapaskuhan upang mamalimos.
“Pinatawag ko ang Town Security para kunin sila at dalhin sa ating temporary shelter. Hindi ko sila pinakasuhan—kawawa naman kasi—pero pinatuloy ko sila sa reception and action center natin para doon muna sila mabuhay habang iniisip ko kung ano ang magandang gawin,” pahayag ng alkalde.
Sinabi ni Nieto na hindi sapat na basta na lamang paalisin ang grupo dahil tiyak na babalik din ang mga ito sa lansangan, lalo’t marami na siyang natatanggap na reklamo mula sa mga commuter.
Bilang hakbang, magtatalaga ang lokal na pamahalaan ng mga tauhan na magbabantay sa naturang lugar hanggang sa matapos ang kapaskuhan upang hindi na muling okupahan ang bangketa.
Dagdag pa ni Nieto, sinulatan na rin niya ang alkalde ng bayan kung saan nagmula ang mga indibidwal upang makiusap na ipasundo sila sa kani-kanilang social welfare personnel at ligtas na makabalik sa kanilang probinsya.
“Di ubra na pabayaan ko lang silang umiikot sa atin, namamalimos at nagkakalat sa lansangan. May gobyerno sa Cainta,” giit ni Nieto.
