PAGPAPABILIS NG INDUSTRIYALISASYON. Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ang panukalang pagbili ng mayoryang bahagi o controlling interest sa Iligan Light & Power, Inc. (ILPI) sa pamamagitan ng isang share purchase agreement. Makikita sa larawan sina (mula kaliwa pakanan) Meralco Senior Vice President at Head of Strategic DU Partnerships Arnel D. Casanova, Meralco Executive Vice President at COO Ronnie L. Aperocho, Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan, ILPI Chairman Romulo V. Borja, at ILPI President at CEO Ralph B. Casiño.
Umaksyon na ang higanteng kumpanya ng kuryente na Manila Electric Company (Meralco) ni Manuel V. Pangilinan upang palawakin ang kanilang teritoryo sa katimugan matapos nilang planuhin na bilhin ang mayorya ng Iligan Light & Power, Inc. (ILPI) sa Mindanao.
Kamakailan lang ay pumirma na sa isang Share Purchase Agreement (SPA) ang Meralco, ILPI, at ang mga nagbebentang shareholder para sa pagbili ng hindi bababa sa 51 porsyento ng shares ng nasabing power distributor.
Para sa kaalaman ng lahat, ang ILPI ay nagseserbisyo na mula pa noong 1930 at nagbibigay ng kuryente sa mahigit 78,000 konsyumer sa Lungsod ng Iligan—isa sa mga pangunahing sentro ng negosyo at industriya sa Hilagang Mindanao.
Tiniyak naman ni Atty. Arnel D. Casanova, Senior Vice President at Head of Strategic Distribution Utility Partnerships ng Meralco, na hindi masasayang ang matagal nang serbisyo ng ILPI at mas pagagandahin pa nila ito.
“Ipagpapatuloy ng Meralco ang magandang legasiya ng ILPI habang nagdadala ng mga bagong kakayahan at puhunan. Sisiguraduhin naming patuloy na makatatanggap ng de-kalidad na serbisyo ang mga konsyumer sa Iligan City,” diin ni Casanova.
Dagdag pa niya, ang hakbang na ito ay malaking pinto para sa pagpapalawak ng operasyon ng Meralco sa buong Mindanao.
Dahil sa mahigit isang siglong karanasan at matatag na pondo ng Meralco, inaasahang mas magiging maayos, mabilis, at maaasahan na ang daloy ng kuryente sa lugar—bagay na magbibigay-daan para pumasok ang mas maraming negosyo at trabaho para sa mga taga-Iligan.
“Inaasahan namin ang isang pangmatagalan at kapaki-pakinabang na samahan kasama ang ILPI upang suportahan ang pag-unlad ng Iligan City at ng buong rehiyon ng Mindanao,” pagtatapos naman ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan.
