Iminungkahi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na pansamantala munang tanggalin sa panukalang 2027 national budget ang mga programang ayuda at mga proyektong hindi nakapagpapalago ng ekonomiya upang mailaan ang pondo sa malalaking imprastraktura at makabangon ang bansa.
Sa deliberasyon ng pambansang pondo sa Senado, iginiit ni Lacson na kailangang magsakripisyo at maging tapat ang pamahalaan sa lagay ng ekonomiya.
“Magtapatan na tayo. Anong gawin natin to save this country? Tanggalin na muna natin mga ayuda. Tanggalin na muna natin ‘yung mga hindi growth-oriented na investment sa budget,” pahayag ni Lacson.
Nilinaw ng senador na hindi siya kontra sa pagtulong sa mahihirap, ngunit dapat na umanong ipaubaya ang tulong-pinansyal sa mga subok nang programa tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa halip na magbuhos ng pondo sa TUPAD, AKAP, at mga multipurpose building.
“I’m not anti-ayuda, pero we have well-established, institutionalized programs na. Pinasa natin ‘yung 4Ps, properly vetted. Papasukan naman natin ngayon ng TUPAD… eh ‘yun din naman ang andun din ‘yun eh,” giit niya.
Kinuwestiyon din ni Lacson ang pagkakaltas at hindi buong pagbabalik ng pondo para sa mga foreign-assisted flagship projects gaya ng Laguna Lakeshore Road Network, subway, at railway systems.
Aniya, nagbabayad pa ang gobyerno ng milyun-milyong dolyar na multa o commitment fees—na umabot na sa USD 8 milyon noong 2025—dahil sa hindi pagpapatupad ng mga proyektong inalisan ng pondo.
“Road network, subway, railway, tapos aalisan natin ng budget, babayad pa tayo ng multa eh naghihirap na nga tayo,” dagdag ni Lacson.
Paliwanag naman ng Senate budget sponsor, bagama’t nais ng komite na ibalik ang kabuuang P130 bilyon para sa mga naturang proyekto, umabot lamang sa P87 bilyon ang nahanap nilang pondo dahil sa limitadong fiscal space ng gobyerno.
Sa parehong pagdinig, kinalampag naman ni Senador Erwin Tulfo ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinggil sa patuloy na paghina ng piso kontra dolyar na sumampa na sa mahigit P63, at nagbabala na maaari itong umabot sa P65 ngayong Pasko o P70 pagsapit ng tag-init kung walang gagawing hakbang.
“Hanggang kailan po mag-i-slide itong peso to dollar exchange? So we will never ever see again the peso exchange rate to dollar will be around 60… unless milagro po ang Poong Maykapal,” tanong ni Tulfo.
Tugon ng sponsor batay sa paliwanag ng mga opisyal ng BSP, nakasalalay sa market forces ang palitan sa ilalim ng free-floating system at kailangang tugunan ang trade imbalance ng bansa.
Sumegunda rin si Senador Risa Hontiveros sa panawagang maging tapat ang ehekutibo at Kongreso sa publiko, at gamitin ang pambansang pondo para sa totoong pagbangon mula sa krisis.
“Gamitin natin ang budget hindi para bigyan natin ang sarili natin ng consuelo de bobo. Gamitin natin ang budget para maka-survive sa kasalukuyang krisis at makaangat tayo papunta sa totoong recovery,” ani Hontiveros.
Batay sa mga numerong tinalakay sa plenaryo, nasa 2.1 porsyento lamang ang naitalang paglago ng Gross Domestic Product (GDP) habang pumalo sa 7.8 porsyento ang inflation, kaya’t iginiit ni Lacson at ng economic managers na kakailanganin ng humigit-kumulang P1.3 trilyon sa high-impact infrastructure projects upang maabot ang target na 5.8 porsyentong paglago sa susunod na taon.
