Todo-alerto at mas pinaigting na ngayon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang kampanya kontra-krimen bilang paghahanda sa pagdagsa ng publiko ngayong papalapit na ang kapaskuhan.
Ipinag-utos ni NCRPO Acting Regional Director Police Brigadier General Christopher Abrahano sa lahat ng istasyon at yunit ng pulisya sa buong Metro Manila na paigtingin ang seguridad upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente, manggagawa, at mga bisita.
Ayon kay Abrahano, inaasahan na ang pagsisiksikan ng mga tao sa mga mall, palengke, transport terminals, at matataong lugar—bagay na sinasamantala ng mga kawatan tulad ng mga mandurukot, snatcher, holdaper, at akyat-bahay. Dahil dito, pinakalat na ang mas maraming pulis para sa tuloy-tuloy na pagpapatrolya at mabilisang pagresponde sa anumang insidente.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba nina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na mas higpitan pa ang seguridad ng publiko matapos ang ASEAN Summit.
Bukod sa police visibility, nagpaalala rin si Abrahano sa publiko na huwag maging kampante at maging maingat sa kanilang mga gamit. Pinayuhan niya ang mga mamimili at komyuter na itago nang mabuti ang kanilang mga mahahalagang gamit, iwasang mag-display ng mamahaling cellphone o alahas sa matataong lugar, at laging maging alerto sa paligid. Para naman sa mga magbabakasyon, ipinaalala ng opisyal na siguraduhing nakakandado nang maayos ang mga pinto at bintana ng bahay, at maghabilin sa mga mapagkakatiwalaang kapitbahay bago umalis.
Iniutos din ng hepe ng NCRPO ang paggamit ng intelligence-driven policing at pag-aaral sa galaw ng krimen upang matutukan ang mga lugar na madalas puntiryahin ng mga masasamang-loob. Makikipag-ugnayan din nang mas malapit ang pulisya sa mga LGU, opisyal ng barangay, security guards, at mga transport operator.
“Hindi lang ito natatapos sa pagpapakita ng mga pulis sa kalsada. Patuloy naming palalakasin ang aming operasyon, pero kailangan din namin ang kooperasyon ng publiko na maging mapagmatyag, magmalasakit sa kapwa, at agad na isumbong ang mga kahina-hinalang galaw,” diin ni Abrahano.
Hinihikayat ang lahat na agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o tumawag sa mga emergency hotline sakaling may makitang kahina-hinalang tao o insidente upang masiguro ang ligtas at payapang pagdiriwang ng kapaskuhan.
