Mula kaliwa pakanan: DepEd Assistant Secretary Roger Masapol, Brazil Ambassador to the Philippines Gilberto Fonseca Guimarães de Moura, DepEd Undersecretary Malcolm Garma, Secretary Sonny Angara, School-Based Feeding Program beneficiary Royiella Veine Lim at KC Concepcion. (Photo: DepEd)
Ibinida ni Education Secretary Sonny Angara ang pinalawak na programa sa pagpapakain sa mga pampublikong paaralan ng bansa sa pagbubukas ng 2nd Southeast Asia Regional School Meals Coalition Summit nitong Lunes.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga opisyal ng edukasyon at kinatawan mula sa iba’t ibang bansa sa Timog-Silangang Asya, binigyang-diin ni Angara na ang pamumuhunan sa nutrisyon ng mga mag-aaral ay mahalaga upang mapabuti ang kanilang kalusugan, mapataas ang kalidad ng pagkatuto sa silid-aralan, at masiguro ang mas matatag na kinabukasan ng rehiyon.
“Sa bawat tahanang Pilipino, maririnig ang ‘Kain po tayo.’ Hindi lang ito pag-aalok ng pagkain kundi pagpapakita ng malasakit at pagpapaalala na may puwesto ka sa aming hapag,” ani Angara. “Ito ang diwang dala natin sa summit na ito—isang mundo kung saan walang batang maiiwan dahil sa gutom.”
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinalaki ng Department of Education (DepEd) ang pondo para sa School-Based Feeding Program (SBFP). Para sa School Year 2026–2027, nakakuha ang ahensya ng rekord na PHP 25.6 bilyon na alokasyon upang maabot ang 4.63 milyong mag-aaral sa buong bansa. Higit doble ito sa PHP 11.8 bilyon noong 2025, at malayo sa PHP 3.3 bilyon noong 2022.
Bukod sa dagdag-pondo, pinalawig din ng DepEd ang bilang ng araw ng pagpapakain mula 120 tungo sa 200 araw upang matiyak ang tuloy-tuloy na sustansya ng mga bata sa buong taon ng pasukan.
Sakop ng programa ang lahat ng mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1; mga batang kulang sa timbang (undernourished) mula Grade 2 hanggang Grade 6; at mga batang ina (adolescent mothers) at iba pang bulnerableng mag-aaral na lampas sa Grade 6.
Ipinaliwanag din ng kalihim na nakatutulong ang programa sa lokal na ekonomiya dahil direktang nakikipag-ugnayan ang mga paaralan sa mga lokal na magsasaka, tagagawa ng pagkain, at mga supplier sa komunidad, habang nagbibigay ng trabaho sa mga tagaluto.
Samantala, nagbahagi naman ng karanasan sa pagtitipon si Royiella Veine Lim, isang mag-aaral mula sa Mandaluyong Elementary School na tatlong taong naging benepisyaryo ng SBFP. Ayon sa kanya, dati ay hirap siyang makinig sa klase dahil sa gutom, ngunit nagbago ito nang magkaroon ng libreng pagkain sa paaralan.
“Hindi ka matututo kung walang laman ang tiyan. Kapag busog kami, mas nakakapag-pokus kami, nakakakuha ng matataas na marka, at nabibigyan ang bawat bata—gaano man kahirap ang pamilya—ng pantay na pagkakataong magtagumpay,” pahayag ni Lim.
Hinimok ni Angara ang mga kasaping bansa na higitan ang mga deklarasyon mula sa unang summit sa Cambodia noong 2024 at magpatupad ng mga konkretong hakbang. Ang tatlong araw na pagtitipon, na magkatuwang na inorganisa ng DepEd, World Food Programme, at global School Meals Coalition, ay nakatuon sa pagpapalakas ng pondo at lokal na implementasyon ng school meal programs sa rehiyon.
