Nakumpleto na ng Manila Electric Company (Meralco), sa ilalim ng pamumuno ni Manuel V. Pangilinan, ang pagpapalawak at modernisasyon ng Commonwealth 115 kilovolt (kV)-34.5 kV gas-insulated switchgear (GIS) Substation na magpapalaki sa kapasidad ng sistema at magpapahusay sa maaasahang serbisyo ng kuryente para sa mga kostumer nito sa Quezon City.
Kabilang sa nasabing proyekto ang pagkakabit ng bagong 83-megavolt-ampere (MVA) power transformer, isang 34.5-kV GIS, at mga kaugnay na protection and control equipment para sa ikalawang bank ng substation.
Sa pamamagitan ng karagdagang transformer bank, mas matutugunan na ng substation ang lumalaking pangangailangan sa kuryente sa lugar habang pinatitibay ang kakayahan nitong maghatid ng tuloy-tuloy na suplay.
Malaking tulong ang pinalawak na kapasidad ng substation para sa pangangailangan sa kuryente ng mga residensyal, komersyal, at institusyonal na mga gusali sa lugar. Kabilang sa mga makikinabang dito ang mga pangunahing proyekto at tanggapan tulad ng MRT-7 project ng San Miguel Corporation, Maynilad Water Services, Commission on Audit (COA), House of Representatives, Batasang Pambansa, Polytechnic University of the Philippines Quezon City, Fairview Central Mall, at Rosario Maclang Bautista General Hospital.
Patuloy na namumuhunan ang Meralco sa pagpapalawak at modernisasyon ng mga pasilidad nito upang patibayin ang network capacity, suportahan ang lumalagong pangangailangan ng mga komunidad at mahahalagang establisyimento, at makapaghatid ng maaasahang serbisyo ng kuryente sa publiko.
