Nakatakdang idaos ng Department of Science and Technology (DOST) ang 2026 National Science, Technology and Innovation Week (NSTW) sa Nobyembre 25–29, 2026, sa General Santos City, na magsasama-sama sa mga siyentipiko, mananaliksik, innovators, negosyante, estudyante, opisyal ng gobyerno, at iba pang katuwang sa industriya mula sa buong bansa.
Nakaangkla sa temang “Siyensya, Teknolohiya, at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa, at Panatag na Kinabukasan,” bibigyang-diin ng limang araw na pagdiriwang ang mahalagang papel ng agham at teknolohiya sa pagsusulong ng pambansang kaunlaran at pagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.
Sa pokus na “Science, Technology, & Digital Innovation: Driving Food Security, Sustainable Energy, & National Resilience,” itatampok sa NSTW 2026 ang talino ng mga Pilipino, mga bagong tuklas sa agham, makabagong teknolohiya, at mga solusyong tumutugon sa mga hamon sa ekonomiya, kalikasan, at lipunan ng bansa.
Magsisilbing pangunahing lugar ng pagdiriwang ang Gaisano Mall, habang gaganapin naman ang iba’t ibang technical forums, kumperensya, at espesyal na aktibidad sa Greenleaf Hotel at iba pang itinakdang lugar sa lungsod.
Opisyal na magbubukas ang pagdiriwang sa Nobyembre 25 sa pamamagitan ng NSTW Opening Ceremony, na susundan ng Galing Kabataan sa Agham: A Celebration of Youth Excellence in Science, Pisay Young Robotics Innovators Challenge, at mga talakayan tungkol sa laboratory standards, kahandaan sa sakuna, at pananaliksik. Kabilang din sa unang araw ang Media Dialogue kasama ang Kalihim at mga opisyal ng DOST upang talakayin ang mga prayoridad at programang pang-teknolohiya ng pamahalaan, gayundin ang KatHABI Fashion Innovation Show ng DOST Philippine Textile Research Institute na magpapamalas ng pagkamalikhain at makabagong teknolohiya sa industriya ng tela.
Sa Nobyembre 26, itatampok ang pagpapaunlad ng negosyo at pagbibigay-lakas sa mga komunidad sa pamamagitan ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) Forum and Awards at Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Forum and Awards. Magkakaroon din ng Grassroots Innovation and Circular Economy Expo, talakayan sa technology transfer, food innovation forums, at eksibisyon ng teknolohiya sa agrikultura at pangisdaan.
Tututok naman sa Nobyembre 27 ang mga talakayan sa sustainable agriculture, nutrisyon, kalusugan, nuclear technology, at katatagan sa sakuna. Tampok dito ang SMART-ER Agriculture: Smarter Solutions for a Sustainable Future at PAHINUMDOM SA PANGANDAM: Understanding Cascading Risks and Strengthening Systemic Resilience na nagtataguyod ng siyentipikong solusyon para sa seguridad sa pagkain at kahandaan sa kalamidad.
Sa Nobyembre 28, bibigyang-pansin ang Wealth Creation Connect 2026, Science Shield Forum, Alternative Energy Convergence, at Balik Scientist and S&T Fellows Forum na naglalayong isulong ang technological entrepreneurship at sustainable energy, habang magpapatuloy ang mga aktibidad hanggang Nobyembre 29.
Higit sa pagpapakita ng mga tagumpay sa agham, layunin ng NSTW 2026 na palakasin ang pagtutulungan ng gobyerno, mga unibersidad, pribadong sektor, at mga komunidad, habang hinihikayat ang mga kabataang Pilipino na kumuha ng mga kurso sa science, technology, engineering, and mathematics (STEM).
Libre ang pagpasok sa aktibidad at hinihikayat ang publiko na makilahok sa mga eksibit, technology demonstrations, at scientific forums. Maaaring magparehistro ang mga interesadong kalahok gamit ang opisyal na NSTW mobile application na available sa iOS at Android devices.
Pinatutunayan ng 2026 NSTW ang patuloy na pangako ng DOST na ilapit ang agham, teknolohiya, at inobasyon sa bawat Pilipino tungo sa isang mas progresibo at matatag na bansa. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang https://nstw.dost.gov.ph.
