Ginawaran ng Four-Arrow Award ang Manila Water Company, Inc. ng Institute of Corporate Directors (ICD) sa ginanap na 2026 Golden Arrow Awards bilang pagkilala sa patuloy nitong pagtataguyod ng maayos at tapat na pamamahala sa korporasyon.
Kabilang ang Manila Water sa mahigit 130 publicly listed companies at mga kumpanya ng seguro na pinarangalan sa seremonyang ginanap kamakailan sa Makati Shangri-La. Ang mga parangal ay may katumbas na isa hanggang limang arrows batay sa naging iskor ng bawat kumpanya sa pagsusuri.
Ayon sa kumpanya, ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa kanilang matatag na sistema at pamamaraan sa responsableng pagdedesisyon—mula sa maayos na pamamahala ng lupon (board oversight) at risk management, hanggang sa malinaw na pag-uulat at pakikipag-ugnayan sa kanilang mga stakeholders.
Ang Golden Arrow Awards ay nakabatay sa ASEAN Corporate Governance Scorecard (ACGS), na sumusukat sa pagsunod ng mga kumpanya sa mga itinakdang pamantayan ng corporate governance. Ang ICD ang nagsisilbing opisyal na domestic ranking body sa Pilipinas para sa nasabing parangal, alinsunod sa mandatong ibinigay ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Sinusuri sa ACGS ang mahahalagang aspeto tulad ng karapatan at patas na pagtrato sa mga shareholders, ugnayan sa mga stakeholders, transparency at pagsisiwalat ng impormasyon, at mga responsibilidad ng board of directors.
Ang parangal ngayong 2026 ay nagpapatuloy sa magandang rekord ng Manila Water sa Golden Arrow Awards. Dati nang nakatanggap ang kumpanya ng Four Golden Arrows noong 2024 batay sa kanilang 2023 annual reports at operasyon. Noong 2023 naman, nasungkit nito ang unang Four-Golden Arrow para sa 2021 ACGS rating, na sinundan ng Three-Golden Arrow Award sa huling bahagi ng nasabing taon, matapos ding gawaran ng Three Golden Arrows para sa kanilang ACGS performance noong 2018 at 2019.
Bilang concessionaire ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa East Zone ng Metro Manila at lalawigan ng Rizal, nagbibigay ang Manila Water ng serbisyo sa tubig, wastewater, at pangangalaga sa kalikasan.
Patuloy na pinatitibay ng kumpanya ang mga polisiya at mekanismo nito upang mabalanse ang magandang takbo ng negosyo at ang pananagutan nito sa mga kostumer, mamumuhunan, regulator, at empleyado—habang pinananatili ang integridad, pananagutan, pagiging patas, at transparency sa lahat ng operasyon nito.
