Prayoridad ngayon ng Department of Finance (DOF) ang agarang pagpasa sa House Bill No. 11114 o ang Multinational Minimum Tax (MMT) Act of 2026 upang matiyak na sa kaban ng bayan mapupunta ang buwis mula sa mga dambuhalang multinasyonal na kumpanyang kumikita sa loob ng bansa, sa halip na mapunta ito sa ibang hurisdiksyon.
Ayon sa DOF, mahalagang maisabatas agad ang panukala dahil ipinatutupad na ng mga kalapit-bansa sa rehiyon ang Global Minimum Tax (GMT). Kung hindi kikilos ang Pilipinas, maaaring makuha ng ibang bansa ang kita sa buwis na dapat sana ay magagamit sa pambansang kaunlaran.
“As we move forward with the Global Minimum Tax agenda, we must ensure that the Philippines is well-equipped for effective implementation. We are working closely with all relevant partners so that we can finally secure our rightful revenues, while keeping our investment environment competitive and attractive to businesses,” pahayag ni Finance Secretary Frederick D. Go.
Alinsunod ang MMT Act sa Global Minimum Tax framework na binuo ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD)/G20 Inclusive Framework on Base Erosion and Profit Shifting (BEPS).
Sa ilalim nito, ang mga malalaking multinational enterprise (MNE) groups na may taunang kita na hindi bababa sa EUR 750 milyon ay oobligahing magbayad ng minimum effective tax rate na 15% sa bawat bansang kanilang pinag-ooperahan. Kung bababa rito ang kanilang binabayarang buwis, maaaring maningil ang gobyerno ng tinatawag na top-up tax.
Nilinaw ng kagawaran na hindi saklaw ng panukala ang mga maliliit na negosyo (small businesses) at mga purong lokal na kumpanya (domestic enterprises), anuman ang laki ng mga ito.
Batay sa paunang pagtataya ng DOF, tinatayang PHP 24.4 bilyon ang maaaring malikom ng pamahalaan taon-taon mula sa batas. Tinatayang nasa 1,001 MNE groups lamang—na binubuo ng humigit-kumulang 4,037 constituent entities sa bansa—ang pasok sa nasabing panuntunan, o katumbas lamang ng 0.65% ng lahat ng aktibong korporasyon na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Tiniyak din ng DOF na hindi nito tatanggalin ang mga fiscal incentives para sa mga dayuhang mamumuhunan, bagama’t kakailanganing iayon ang mga ito upang maabot ang 15% minimum effective tax rate.
Upang mapanatiling kaakit-akit ang Pilipinas sa mga negosyo, nakapaloob sa House Bill No. 11114 ang Industrial Competitiveness Support mechanism. Sa pamamagitan nito, ang makokolektang domestic minimum top-up tax ay gagamitin upang pondohan ang mga non-fiscal support measures gaya ng grants at reimbursements para sa imprastraktura, workforce development, research and development (R&D), at mga productive assets.
Bilang tagapangulo ng Inter-agency Technical Working Group (TWG) on GMT Legislation and Implementation, masusing nakikipag-ugnayan ang DOF sa Kongreso, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, pribadong sektor, at mga katuwang na bansa gaya ng Malaysia, Thailand, at Indonesia upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng polisiya.
Inihain ang House Bill No. 11114 noong Setyembre 2026 at kasalukuyang nakabinbin sa House Committee on Ways and Means. Bahagi ito ng mas malawak na Promoting Growth, Revenue, and Equity towards Socio-Economic Sustainability (ProGRESS) Tax Reform Package ng pamahalaan na naglalayong gawing mas matatag at patas ang sistema ng pagbubuwis sa bansa.
