Rizal Speaks Slovak!
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
SA Fort Santiago ay hindi lang tula ang bumalik kundi isang pangako.
Noong 13 Nobyembre 2026 Biyernes sa mismong lugar kung saan isinulat ni Dr. Jose Rizal (1861-96) ang kaniyang huling tula bago siya barilin – sa Mi Ultimo Adios Gallery sa Fort Santiago, Intramuros – may naganap na hindi basta exhibit.
Bumalik ang Slovak na salin ng Mi Ultimo Adios. At hindi ito basta pagbabalik ng papel. Pagbabalik ito ng isang kuwentong 25 taon nang hinintay.
Pinagsanib-puwersa ang tatlong institusyong nagmamahal sa kasaysayan: National Historical Commission of the Philippines (NHCP, itinatag 1933), Embahada ng Slovak Republic sa Maynila, at Intramuros Administration (IA, nabuo 1979). At pinangunahan ito ng tatlong taong lumipad, naglakbay, at nagbigay ng oras para kay Rizal: G. Juraj Blanár, Ministro ng Ugnayang Panlabas at Europeo ng Slovak Republic; H.E. Miloš Koterec, Embahador ng Slovak Republic sa Maynila; at NHCP Chair Regalado Trota Jose Jr., siya ang nagbukas ng seremonya. Kasama rin ang mga kawani mula sa Slovak Republic ng Embahada, at ng IA, na lahat ay nagbigay-galang.
Sa kanilang mga talumpati ay iisa ang kanilang mensahe: Ang tula ni Rizal ay hindi lang pamana ng Pilipinas. Simbolo ito ng pagkakaibigan ng Slovakia at Pilipinas. Dahil ang Slovakia, tulad natin, ay bansang lumaban din para sa kalayaan. Kaya nauunawaan nila ang bawat linya ng paalam ni Rizal.
Subalit ang pinakanakakaantig na bahagi ng araw na iyon ay hindi sa stage. Nasa alaala. Mahigit 25 taon na ang ang nakalipas, may isang lalaking tahimik na lumikha ng himala – si Honorary Consul Robert Chin Siy. Siya ang nagfacilitate, nag-ayos, at nagsulong upang maisama ang Slovak na salin ng Mi Ultimo Adios sa gallery. Walang camera. Walang parangal. Ginawa niya dahil naniniwala siya na dapat malaman ng mundo si Rizal. Noong 13 Nobyembre ay sa wakas, siya ay nakilala.
Ang Republika ng Slovakia ay taos-pusong nagbigay-pugay at nagpahayag ng pagpapahalaga sa kaniyang pamilya, na kinatawan ni Honorary Consul Rex King Siy. Isang Pilipino ang nagtanim, dalawang bansa ang umani. Dahil ang tula na isinulat sa dilim ng selda noong 1896 ay ngayon ay binibigkas na sa wikang Slovak ngayong 2026. Matagal nang patay si Rizal, subalit buhay na buhay ang kaniyang mga salita.
Kung may pagkakataon ay inaanyayahan ang lahat na puntahan ang Mi Ultimo Adios Gallery sa Fort Santiago. Tumayo sa harap nito at mararamdaman – hindi kailanman namamatay ang tunay na bayani.
