Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, na simula ngayong Nobyembre 2026 ay balik na sa regular na validity period at renewal schedule ang rehistro ng mga sasakyan, driver’s at conductor’s license, student permit, at medical certificates.
Ito ay matapos na magbalik sa normal ang operasyon ng Land Transportation Management System (LTMS).
Gayunpaman, para bigyan ng sapat na panahon ang mga motoristang nag-expire ang mga dokumento mula Hulyo hanggang Oktubre 2026 (na sakop ng mga naunang extension program), naglabas ang LTO ng opisyal na grace period para sa kanilang renewal.
Batay sa Memorandum Circular (MC) No. MVL-2026-5523 na nilagdaan noong Oktubre 29, 2026, walang ipapataw na surcharge o penalty kapag nakapag-renew sa loob ng mga sumusunod na petsa:
Para sa mga nag-expire noong Hulyo at Agosto 2026, magsisimula ang renewal sa Nobyembre 3, 2026 at ang huling araw ng grace period ay sa Disyembre 29, 2026.
Para sa mga nag-expire noong Setyembre 2026, magsisimula ang renewal sa Disyembre 1, 2026 at ang huling araw ng grace period ay sa Enero 29, 2027.
Para sa mga nag-expire noong Oktubre 2026, magsisimula ang renewal sa Enero 4, 2027 at ang huling araw ng grace period ay sa Pebrero 26, 2027.
Nagbabala ang ahensya na ang mga motoristang lalampas sa itinakdang huling araw ng grace period ay papatawan na ng kaukulang late renewal fees at multa.
Pinapaalalahanan ng LTO ang publiko na huwag nang magpahuli sa huling araw ng renewal at tiyaking kumpleto ang mga kailangang requirements bago pumunta sa pinakamalapit na LTO branch.
