Pinalalawak ng Estate Water, ang Non-East Zone operating unit ng Manila Water, ang kanilang mga serbisyo sa pagtatayo at pagpapatakbo ng isang seawater desalination facility sa Lio Tourism Estate ng Ayala Land sa Palawan.
Layunin ng proyektong ito na maghatid ng maaasahan at sustainable na suplay ng tubig sa mga lugar na kulang sa freshwater resources, lalo na ngayong tumitindi ang epekto ng El Niño at iba pang hamon sa climate change.
Nagkakahalaga ng nasa P189 million, ang pasilidad ay kakayang mag-produce ng 500 cubic meters ng inuming tubig bawat araw. Sapat ito para matugunan ang kasalukuyan at hinaharap na pangangailangan ng lumalagong estate.
Bagama’t kilala ang Manila Water sa mga tradisyunal na water treatment at distribution systems, ipinapakita ng Lio project ang kanilang patuloy na pag-navigate sa mga bagong teknolohiya na angkop sa local conditions ng bawat komunidad.
Gagamitin ng pasilidad ang teknolohiyang Seawater Reverse Osmosis (SWRO). Ang tubig-dagat mula sa mga beach wells ay dadaan sa maraming antas ng proseso, kabilang ang pre-filtration at reverse osmosis membrane treatment, upang matanggal ang asin at iba pang impurities bago ito maging ligtas na inuming tubig na sumusunod sa Philippine drinking water standards.
“Habang nagiging mas komplikado ang mga hamon sa tubig dahil sa climate change, tumataas na demand, at limitadong resources, kailangang patuloy na mag-innovate ang mga utility company. Ang desalination project na ito ay nagpapakita ng aming kakayahang bumuo at magpatakbo ng advanced treatment technologies na angkop sa kakaibang kondisyon ng bawat komunidad,” ayon kay Barny Kim, General Manager ng Estate Water.
Dati rati, nakadepende ang Lio Estate sa mga shallow wells na madalas nababawasan ang tubig kapag peak season o tag-tuyot.
Sa tulong ng bagong desalination plant, mababawasan ang banta ng kakulangan sa tubig at mababawasan din ang sobrang pagkuha ng tubig sa ilalim ng lupa (groundwater).
Kasalukuyan nang itinatayo ang nasabing pasilidad at inaasahang magsisimula ang operasyon nito sa Agosto 2027.
