Nanawagan ang ilang health at patient groups sa Kongreso na gawing mandatory ang paglalagay ng front-of-pack warning labels sa mga nakapaketeng pagkain at inumin na mataas sa asukal, sodium, at unhealthy fats upang matulungan ang mga Pilipino na makapili ng mas malusog na pagkain.
Isinagawa ang panawagan sa paglulunsad ng “Dapat May Babala” campaign sa Quezon City nitong Lunes, Nov. 9, kaugnay ng pagdiriwang ng National Children’s Month.
Sa pangunguna ng ImagineLaw at HealthJustice, layunin ng kampanya na obligahin ang mga food manufacturer na maglagay ng malinaw na babala sa harapan ng pakete ng mga produktong sobra sa asukal, asin, at matataba na sangkap.
Taliwas sa karaniwang nutrition information table na nasa likod at puno ng technical terms, mas madaling makikita at maiintindihan ng mga consumer ang front-of-pack warning labels.
Isinusulong ang hakbang na ito sa gitna ng pagdami ng mga kaso ng noncommunicable diseases (NCDs) sa bansa tulad ng obesity, Type 2 diabetes, sakit sa puso, at cancer.
Batay sa 2025 national nutrition survey, 73.3 percent ng mga pagpanaw sa bansa noong 2023 ay dulot ng NCDs, habang 44.5 percent naman ng mga adult na may edad 20 hanggang 59 ang may obesity.
Muling iginiit naman ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary Dr. Lester Tan ang suporta ng pamahalaan sa mga polisiyang magpoprotekta sa mga kabataan laban sa mga maiiwasang NCD.
Ayon naman kay ImagineLaw Executive Director Atty. Sophia San Luis, hindi sapat ang mga voluntary measures para matulungan ang publiko na makilala ang mga hindi malusog na pagkain, kaya kailangan na talagang gawing mandatory ang panukala.
Inaasahan niyang magpapatuloy ang talakayan ukol dito sa Kongreso ngayong Nobyembre at Disyembre, kung saan umabot na sa 101 legislators ang nagpaabot ng suporta.
Binigyang-diin din ni Dr. Jimmy Galvez Tan ng Healthy Philippines Alliance na karapatan ng mga magulang ang malinaw na impormasyon tungkol sa binibili nilang pagkain para sa kanilang mga anak. Nagbabala siya na ang madalas na pagkain ng mga ultra-processed foods sa kabataan ay magdudulot ng mas mataas na peligro ng NCDs pagtanda.
Sinang-ayunan din ito ni Dr. Aurora Muriel S. Gampiona ng Philippine Heart Association, kung saan sinabi niyang malaki ang epekto ng kinakain noong bata pa sa kalusugan ng puso pagdating ng adulthood.
Samantala, sinabi naman ni Rey Abacan Jr., founder ng Dialysis PH Support Group, na napakabigat ng physical, emotional, at financial burden ng sakit sa bato sa mga pasyente at kanilang pamilya.
Aniya, may karapatan ang consumers na malaman kung may banta sa kalusugan ang binibili nilang pagkain upang makagawa ng tamang desisyon at makaiwas sa sakit.
