Hindi mo kailangan ng 100 kaibigan. Kailangan mo lang ng isa na hindi ka iiwan kahit wala ka nang maibibigay
PITAK FILIPINO Ni Socrates L. Pimentel
MAY dalawang klase ng tao sa buhay: Iyong isa ay kasama kapag may handaan. At iyong isa ay kasama kapag wala ka nang maihanda. At hindi mo sila makikilala habang masarap ang buhay.
Habang may sahod pa. Habang may pang-ambag sa inuman o kainan. Habang may sasakyang maaaring ipahiram. Habang madalas na ikaw ang nagsasabing “libre ko na!”. Sa panahong iyon, ang daming kaibigan. Ang daming kamag-anak. Ang daming “bro”, “sis”, “bestie”, “fam”.
Subalit subuking mawalan. Subuking mawalan ng trabaho, maubusan ng pera, magkasakit at hindi makabangon sa kama, mabigo, mapahiya, at hindi batid kung saan kukuha ng pambayad ng renta bukas. Doon makikita ang totoo. May mga taong parang WiFi. Malakas ang signal kapag malapit ka sa router. Kapag lumayo ay biglang “No Connection”. Sila iyong biglang hindi nagre-reply. Iyong dating “seen” agad, ngayon ay tatlong (3) araw na ay “seen” pa rin.
Iyong dating laging nag-iimbita ng “tara, labas tayo!” ngayon ay biglang may dahilan: “Ay sorry, busy eh”, “Ay sorry, may sakit anak ko eh”, “Ay sorry, nasa probinsya kami eh”, “Ay sorry, lowbat ako eh”. Lahat sila may sorry. Subalit wala ni isa ang may oras.
Hindi sila masamang tao. Hindi kailangang kamuhian. Sila ang mga taong naibigan ka lang noong maginhawa ka. Hindi ikaw ang ibig nila. Iyong bersyon mo na may pera, may trabaho, may saya, iyon ang ibig nila. Kapag nawala iyon, nawala ka na rin sa kanila.
May mas masakit pa sa nawala. Iyong mga taong nandiyan pa rin subalit hindi na talaga nandiyan. Iyong magsasabi ng “Nandito lang ako ah, chat ka lang”, subalit kapag nagchat ka na ay hindi na magrereply. Iyong magsasabi ng “Praying for you” subalit hindi man lang tatawag. Iyong magsasabi ng “Sayang, hindi ako makakapunta” subalit nakita mo sa MyDay na nasa beach. Sila iyong mga taong ibig pa ring magmukhang mabait, ngunit ayaw nang mapagod para sa iyo.
Subalit may mga taong nananatili. Sila ang mga ginto. Hindi sila madami. Baka isa, dalawa, o tatlo lang. Ngunit sila iyong tatawag kahit hindi mo sila tinatawagan. Sila iyong pupunta kahit hindi mo sila inaaya. Sila iyong magdadala ng lugaw kahit hindi ka humingi. Sila iyong uupo lang sa tabi mo, kahit walang sasabihin, kahit walang solusyon, kahit walang pera. Hindi nila kailangang ayusin ang problema mo. Kailangan lang nilang manatili. Iyong tipong sasabihin nila: “Wala akong maitutulong na pera. Ngunit nandito ako. Kuwentuhan tayo. Kain tayo ng sardinas.” Iyon ang tunay. Hindi mo kailangan ng 100 na kaibigan. Hindi mo kailangan ng 500 na followers. Hindi mo kailangan ng malaking bilog. Kailangan mo lang ng isa o dalawang tao na hindi ka iiwan kahit wala ka nang maibibigay.
Kung ibig mong malaman kung sino ang tunay mong kaibigan at pamilya: Mawalan ka. Mawalan ka ng trabaho, magkasakit, mabigo, dumaan ka sa impiyerno. Doon sa dilim ay makikita kung sino ang may dalang liwanag. At kapag muling nakabangon, at makakabangon, huwag nang habulin ang mga umalis. Huwag nang ichat iyong hindi nagreply. Huwag nang iinvite iyong hindi pumunta. Hindi kailangang ipaliwanag ang sarili sa mga hindi naniwala.
Pahalagahan ang mga nanatili sa panahong wala kang maialok. Sapagkat iyong mga taong nananatili sa iyo noong wala kang pera, wala kang trabaho, wala kang pangalan – sila ang mga taong karapat-dapat na makasama kapag mayroon ka na ulit.
At sila ay hindi mo nahanap. Sila ang naghanap sa iyo.
