Nagkasundo ang Pilipinas at Tsina na resolbahin ang mga umiiral na sigalot sa pamamagitan ng diplomasya at iwasan ang mga maiinit na pahayag na lalong nagpapalala sa ugnayan ng dalawang bansa, ayon sa pagpapatibay ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Miyerkules.
Ang hakbang ay kasunod ng panawagan ng koalisyon ng mga grupo ng negosyante sa Pilipinas na bawasan ang tensyon sa gitna ng paulit-ulit at matinding palitan ng salita sa pagitan ng Chinese Embassy sa Maynila at ng matataas na opisyal ng pamahalaan.
Nagbabala ang mga negosyante na ang matagal na alitan ay nagbabanta sa kalakalan at ekonomiya, lalo’t ang Tsina at Hong Kong ay sumasaklaw sa halos 30 porsyento ng kabuuang pambansang kalakalan ng Pilipinas.
Kinumpirma ng DFA na nagkausap sa telepono sina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro at Chinese Foreign Minister Wang Yi kung saan sila nakabuo ng konsensus na panatilihin ang diplomasya, bukas na komunikasyon, at paggalang.
Kabila nito, nilinaw ng DFA na nananatiling matatag ang Pilipinas sa paggigiit ng karapatan sa West Philippine Sea (WPS).
“The DFA has consistently maintained that diplomacy, dialogue, and mutually beneficial practical cooperation can be pursued without compromising the assertion and protection of the country’s sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction,” ayon sa pahayag ng kawanihan.
Nagmula ang tawag ni Wang kay Lazaro noong Martes matapos magpahayag ng matinding pagtutol si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa mga panawagang ang Maynila ang magpasimula ng de-escalation, sa katuwirang ang Tsina ang nagdudulot ng gulo sa WPS.
Sa naturang usapan, sinabi umano ni Wang na ang pambansang ugnayan ng dalawang bansa ay nakararanas ng “malicious interference” at inakusahan ang ilang opisyal ng Pilipinas ng paulit-ulit na pag-atake sa Tsina para sa sariling interes.
Kasama din sa talakayan ang pagpapanatili ng balanse sa ugnayan batay sa 1975 Joint Communiqué at ang pagsuporta ng Pilipinas sa One China Policy.
Uminit pa lalo ang tensyon kamakailan matapos manawagan ang ilang mambabatas na ideklarang persona non grata at patalsikin si Chinese Ambassador Jing Quan dahil sa kanyang kontrobersyal na pahayag na madaling “mananalo sa giyera” ang Beijing gamit ang puwersa.
Dahil dito, idineklara ng Tsina na blacklisted o bawal pumasok sa mainland China, Hong Kong, at Macau sina Defense Secretary Teodoro at dating senador na ngayon ay DOLE Secretary Francis Tolentino.
