Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na patuloy silang aalalayan ng pambansang pamahalaan at palalawakin ang mga oportunidad sa ekomomiya sa buong Mindanao.
“I reaffirm the National Government’s support for Bangsamoro autonomy and democratic institutions. We stand ready to work with the government formally constituted by this newly elected Parliament,” pahayag ni Marcos.
“Sa mga mamamayan ng Bangsamoro: ang National Government ay kasama ninyo. Ang inyong tagumpay ay tagumpay ng buong bansa. Hinding-hindi namin kayo pababayaan,” dagdag pa ng Pangulo.
Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa inaugural session ng BARMM Parliament sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City ngayong Biyernes, Oktubre 30.
Pangako niya, patuloy na magbubukas ng higit pang economic opportunities ang pambansang pamahalaan para sa Mindanao habang pumasok ang Bangsamoro sa isang mahalagang bagong kabanata.
‘Huwag kalimutan ang pinagdaanang laban’
Pinaalalahanan din ni Marcos ang mga miyembro ng parliament na magsilbi nang may kahandaan at huwag kailanman kalimutan ang mga sakripisyo’t pagsubok na pinagdaanan bago marating ang puntong ito.
“Maglingkod kayo nang may kababaang-loob. Dala-dala ninyo ang pangarap ng maraming henerasyon, kaya irespeto ninyo ang kanilang sakripisyo sa pamamagitan ng mabuting pamamahala,” giit ng Pangulo.
Sinabi rin niya na dapat panatilihin ng bagong koalisyon ang pagkakaisa, statesmanship, at kooperasyon upang makabuo ng mas payapa at maunlad na BARMM.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang isang matatag na gobyerno ay nangangahulugan ng pagpasa ng mga batas at pagpapatupad ng mga programang nakatutok sa tunay na pangangailangan ng mamamayan, pati na rin ang transparent na paggamit ng pampublikong pondo.
“Higit sa lahat, ibig sabihin nito ay tiyaking ramdam ng bawat pamilyang Bangsamoro ang bunga ng kapayapaan sa kanilang pang-araw-araw na buhay,” dagdag niya.
Sa kanyang talumpati, nagbigay-pugay din ang Chief Executive sa mga pamilyang nasaktan at nawalan ng mahal sa buhay sa mga taon ng hidwaan, pati na sa mga lider mula sa iba’t ibang panig na nag-usap upang maipasa ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, Bangsamoro Organic Law, at ang pagtatag ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).
“Ang araw na ito ay isang malaking milestone sa peace process sa pagitan ng National Government at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na nagmamarka ng transisyon mula sa armado na pakikibaka tungo sa payapang demokratikong pamamahala,” aniya.
Haba ng kasaysayan at transisyon
Ang makasaysayang hakbang na ito ay nag-ugat pa noong 1976 sa lagdaan ng Tripoli Agreement sa pagitan ng gobyerno at Moro National Liberation Front (MNLF), na nasundan ng 1996 Final Peace Agreement. Noong 2012 naman nilagdaan ang Framework Agreement sa MILF na naging basehan ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Noong 2018, nilagdaan ang Republic Act No. 11054 o Bangsamoro Organic Law (BOL) na siyang naging legal foundation para maitatag ang BARMM palit sa purong ARMM.
Upang maihanda ang mga pampulitikang estraktura ng rehiyon bago ang buong halalan, itinayo ang BTA bilang interim government.
Matapos ang ilang pag-usad at pag-urong ng iskedyul, kabilang ang SC decision noong 2024 na nagpahiwalay sa lalawigan ng Sulu sa BARMM na nangailangan ng bagong redistricting law, nailipat ang parliamentary elections sa Setyembre 14, 2026, na siyang nagbigay-daan sa pagbuo ng bagong halal na Parliament ngayong taon.
