Hinimok ng Federation of Free Farmers (FFF) at mga kaugnay na alyansa ng mga magsasaka ang Department of Justice (DOJ) na bawiin ang kontrobersyal nitong Legal Opinion No. 16, habang nanawagan naman kay Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. na mag-leave of absence out of delicadeza kaugnay ng usapin sa rice importation.
Sa isang press conference nitong Martes (Oktubre 20) sa Quezon City Memorial Circle, nagkaisa sina FFF Board Chairman Leonardo Montemayor, dating Agrarian Reform Secretary Rafael “Paeng” Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Magsasaka Partylist Chairman Argel Joseph Cabatbat, at 1986 Constitutional Commission Member Christian Monsod upang ipanawagan ang proteksyon sa mga magsasaka at sa pambansang seguridad sa pagkain.
Ayon sa FFF at KMP, mapanganib ang DOJ Legal Opinion No. 16—na inilabas batay sa kahilingan ng Land Registration Authority (LRA)—dahil inaalis nito ang kinakailangang Department of Agrarian Reform (DAR) Conversion Clearance at ang 5-hectare retention limit sa ilalim ng Republic Act No. 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Law.
Nangamba si Montemayor na magdudulot ito ng muling paghawak ng malalaking korporasyon sa napakalawak na lupang agrikultural.
“Dahil sa talamak na land conversion, humigit-kumulang 60,000 ektarya ng lupang pangkabuhayan ang nawawala taun-taon para sa residential, commercial, at tourism projects. Kung hindi ito pipigilan, nasa dalawang milyong ektarya ng lupang agrikultural ang mawawala sa loob ng 10 taon,” babala ni Montemayor.
Idinagdag naman ni Cabatbat na pormal na silang naghain ng petisyon para sa certiorari at quo warranto sa korte laban sa nasabing opinyon ng DOJ, habang iginiit naman ni Mariano na ang opinyon ng DOJ ay hindi batas at hayag na sumasalungat sa probisyon ng RA 6657 at mga jurisprudence ng Korte Suprema.
Binigyang-diin naman ni Monsod na ang repormang agraryo ay isang probisyon sa Saligang Batas at patuloy na komitment ng pamahalaan para labanan ang kahirapan at inequality sa bansa.
Bukod sa usapin ng lupa, binatikos din ni Montemayor ang kontrobersiyal na pag-aangkat ng bigas ng Planters Products, Inc. (PPI) mula Vietnam kung saan nasabat ng Philippine Navy sa Sarangani ang barkong Lucky Star 6.
Ayon sa ulat, 25% broken rice ang idineklara sa order ngunit nang siyasatin sa Port of Davao ay lumabas na long grain 5% broken rice ito. Iginiit ni Montemayor na dapat pumasok ang National Bureau of Investigation (NBI) upang imbestigahan ang kaso bilang attempted smuggling at economic sabotage.
Dahil ang Agriculture Secretary din ang Chairman ng PPI—na nagmamay-ari ng 79% voting shares nito—at siya ring naglalabas ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC), ipinanawagan ng FFF na mag-leave of absence muna si Secretary Laurel habang gumugulong ang imbestigasyon.
“Hindi natin sinasabing may kasalanan siya o wala. Ngunit para sa delicadeza, mas makabubuting mag-leave of absence muna siya habang iniimbestigahan ang insidente,” pahayag ni Montemayor.
