Pinapalakas ng Manila Water ang kapasidad ng Cardona Water Treatment Plant (WTP) bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahang matinding epekto ng El Niño na posibleng tumagal hanggang sa unang kalahati ng 2027.
Ang nasabing pasilidad sa Rizal na may kakayahang magproseso ng 100 milyong litro ng tubig kada araw (MLD) ay kumuha ng raw water mula sa Lawa ng Laguna.
Nagsisilbi itong karagdagang supply ng tubig upang mabawasan ang labis na pagdepende ng East Zone sa Angat Dam at iba pang pangunahing pasilidad.
Ayon sa Manila Water, kapag maganda ang kalidad ng tubig sa lawa, maaari pang maipamahagi ng Cardona WTP ang produksyon nito hanggang 110 MLD upang matugunan ang mataas na demand sa panahon ng tagtuyot.
Ipinahayag ni Manila Water Communication Affairs Group Head Dittie Galang na mahalaga ang gampanin ng Cardona WTP upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa gitna ng mga banta ng pagbabago sa panahon.
“Ang paghahanda sa mga hamon ng klima ay nangangailangan ng pagpo-proseso sa lahat ng available na mapagkukunan ng tubig. Malaki ang papel ng Cardona Water Treatment Plant sa aming paghahanda sa babala ng malakas na El Niño sa pamamagitan ng pagbibigay ng operational flexibility,” pahayag ni Galang.
Kasalukuyang nagbibigay ang pasilidad ng 24/7 na supply ng tubig sa humigit-kumulang 800,000 residente sa mga bayan ng Cardona, Binangonan, Morong, Baras, Jala-Jala, Angono, at Taytay sa Rizal, pati na rin sa bahagi ng Barangay Pinagbuhatan sa Pasig City.
Sa pamamagitan nito, nababawasan din ang pressure sa pangkalahatang distribution network ng Manila Water na naglilingkod sa Metro Manila.
Nagsimulang mag-operate noong 2019, ang Cardona WTP ay nilagyan ng mga modernong kagamitan tulad ng reverse osmosis at 6-MLD Backwash Water Recovery System.
Bukod sa Cardona WTP, patuloy rin ang kumpanya sa pagbuo ng iba pang water source projects tulad ng 200-MLD East Bay Phase 2 Water Supply System Project at ang 220-MLD Kaysakat Water Treatment Plant sa Upper Wawa watershed upang lalong patatagin ang water security sa mga nasasakupang komunidad.
