Binuksan na ng Government Service Insurance System (GSIS) ang bago at mas modernong Dagupan Branch Office upang magbigay ng mas komportable, ligtas, at mabilis na serbisyo para sa mga kawani ng pamahalaan at pensyonado sa lalawigan.
Ipinahayag ni GSIS President at General Manager Wick Veloso na ang inauguration ng bagong sangay ay isang “bagong simula” para sa opisina na halos 70 taon nang naglilingkod sa Pangasinan mula pa noong 1957.
“Ang sangay na ito ay naglingkod sa ilang henerasyon ng mga public servant na inialay ang kanilang buhay sa pagbuo ng ating bansa. Ngayon, binibigyan natin ang serbisyong iyon ng bagong tahanan,” pahayag ni Veloso.
Matatagpuan ang bagong opisina sa Cityscape Lifestyle Center sa kahabaan ng National Road sa Barangay Catacdang, Bonuan Gueset.
Sakop nito ang serbisyo para sa 54,516 miyembro at 18,959 pensyonado — o kabuuang 73,475 kliyente — mula sa 44 na bayan at apat na lungsod sa buong lalawigan.
May sukat na humigit-kumulang 700 metro kuwadrado, ang bagong gusali ay kayang tumanggap ng humigit-kumulang 100 kliyente bawat araw.
Nilagyan din ito ng mga nakalaang pasilidad tulad ng medical room, lactation station, gender-sensitive at accessible na mga palikuran, malawak na paradahan, at matatagpuan sa isang mataas na lokasyon na hindi inaabot ng baha.
Isinagawa ang paglipat ng opisina matapos ang mga pangamba sa lumang gusali ng GSIS na itinayo noong 1961, isa sa pinakamatandang pasilidad ng ahensya sa bansa.
Dahil sa paglipas ng panahon, naluma na ang lumang gusali at madalas na binabaha, kaya’t kinailangan ang paglipat sa mas ligtas na lokasyon para sa mga miyembro at kawani.
Nilagyan din ang bagong sangay ng Digital Business Center (DBC) na nagbibigay-daan sa mga miyembro na magtransaksyon gamit ang digital channels tulad ng GSIS Touch, bilang alternatibo sa karaniwang pila sa counter.
Sa isang press conference kasama ang local media, binigyang-diin ni Veloso na ang mga programa ng GSIS ay patuloy na isinaayos batay sa pangangailangan ng mga miyembro.
Aniya, ang konsepto ng “Ginhawa” sa GSIS ay hindi lamang sa mabilis na transaksyon at modernisasyon, kundi sa pagbibigay ng katiyakan na laging maaasahan ang ahensya sa oras ng pangangailangan.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na direksyon ng ahensya sa ilalim ng GSIS Vision 2046, na naglalayong gawing isang napapanatili, matatag, digital, at member-focused na institusyon ang GSIS. (MINA PADERNA)
