Sumipa sa 7.2% ang inflation sa Pilipinas noong Setyembre dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain dulot ng masamang panahon, kasabay ng pagmahal ng langis at paghina ng piso.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) noong Martes, Oktubre 6, umakyat ang headline inflation sa 7.2% noong Setyembre mula sa 6.1% noong Agosto.
Katumbas ito ng pinakamataas na antas ng inflation sa loob ng tatlong taon na naitala rin noong Abril, at nagtapos sa apat na magkakasunod na buwan ng pagbaba ng inflation.
Sa unang siyam na buwan ng taon, umabot sa average na 5.4% ang inflation, mas mataas pa rin sa target ng pamahalaan na 2% hanggang 4%.
Pasok naman sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 6.4% hanggang 7.4% ang September inflation.
Bago ilabas ang datos, nagbabala na ang BSP na maaaring magtulak pataas sa presyo ng gulay, isda, bigas at prutas ang mga sama ng panahon.
Inaasahan din na makadaragdag sa inflationary pressure ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa lokal na merkado at paghina ng piso.
Ayon kay Bank of the Philippine Islands (BPI) lead economist Emilio Neri Jr., umabot sa 6.9% ang kaniyang forecast para sa inflation noong Setyembre.
Ayon kay Neri, nakaapekto sa suplay at transportasyon ng mga pagkaing madaling masira ang malalakas na pag-ulan dulot ng habagat at pagbaha.
Samantala, sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis noong ikalawang kalahati ng Setyembre ang kumain sa benepisyong natamo mula sa mga naunang rollback o pagbaba ng presyo.
Nagbabala si Neri na maaaring maging simula ang Setyembre ng panibagong pagtaas ng inflation, na posibleng lumampas sa 7% sa mga susunod na buwan.
Hindi tulad ng pagtaas noong Abril na pangunahing itinulak ng presyo ng langis, inaasahan ng BPI na magiging mas malawak at mas matagal ang susunod na yugto ng inflation, na maaaring dulot ng presyo ng pagkain, gastos sa paggawa, at iba pang salik.
Inaasahan ding mas mararamdaman simula Oktubre ang buong epekto ng mga taas-pasahe na ipinatupad noong Setyembre 28.
Kabilang pa sa mga panganib na maaaring magtulak sa inflation ang tensyon sa Middle East, ang nakabinbing desisyon sa rate reset ng Meralco na maaaring humantong sa mas mataas na singil sa kuryente, at patuloy na paghina ng piso.
Samantala, sinabi ng Manulife Investment Philippines na dapat patuloy na ituon ng BSP ang polisiya nito sa pagpapanatiling kontrolado ang inflation expectations sa halip na pangunahing tumugon sa panandaliang pagbabago ng halaga ng piso.
Ayon kay Jean Olivia de Castro, head of fixed income ng Manulife Investment Philippines, malaking bahagi ng paghina ng piso ay dulot ng mataas na US Treasury yields at malakas na dolyar.
Noong Agosto, itinaas ng BSP ang key policy rate nito sa 5%, ang ikatlong magkakasunod na 25-basis-point hike ng central bank.
