Isang posibleng paglabag sa Saligang Batas ang nabunyag sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong Huwebes, Oktubre 8, matapos kumpirmahin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na tumanggap ito ng kita mula sa pamahalaang lungsod ng Davao noong 2023, panahon kung kailan siya ay nanunungkulan na bilang ikalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.
Sa pagharap sa impeachment court, kinumpirma ni Anne Loraine Garcia-Marquez, Chief of Staff ng BIR Office of the Commissioner, na nilagdaan ni Duterte ang BIR Form 2316 kung saan nakatala ang Davao City Government bilang kaniyang employer para sa taong 2023.
“VP Sara Duterte received compensation income from the city government of Davao in 2023,” pahayag ni Garcia-Marquez sa komisyon, bagama’t hindi na isiniwalat ang eksaktong halaga ng natanggap nitong kabayaran.
Ang kapatid ng Vice President na si Sebastian Duterte ang nakaupong alkalde ng Davao City mula pa noong 2022.
Nakasaad sa Article VII, Section 6 ng 1987 Constitution na “The President and the Vice President shall not receive during their tenure any other emolument from the Government or any other source.”
Bukod dito, ipinagbabawal din sa Section 13 ng kaparehong artikulo ang practicing ng iba pang propesyon sa panahon ng kanilang termino.
Ayon kay Prosecutor Erwin Matib, ang direktang pagtatanong sa saksi mula sa BIR ay bahagi ng mas malaking argumento ng prosekusyon hinggil sa umano’y unexplained wealth ng Vice President, na itinuturing betrayal of public trust at tahasang paglabag sa Saligang Batas.
Bukod sa suweldo mula sa Davao City Hall, lumabas din sa testimonya ni Garcia-Marquez na ang pinagsamang net income nina VP Sara at ng kaniyang asawang si Manases “Mans” Carpio pagkatapos ng buwis mula 2017 hanggang 2025 ay umabot lamang sa P85.34 milyon.
Ayon sa prosekusyon, hindi ito tumutugma sa itinala nitong yaman sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
“Hindi nito maipaliwanag ang pagtaas ng kaniyang net worth, na umabot sa P98 milyon batay sa pinakabagong SALN ni VP Sara,” giit ni Matib.
