Saan nga ba talaga nakatutok ang malasakit ng ating mga kinatawan sa Kongreso? Sa pangmatagalang proteksyon ng bawat Pilipino, o sa pondong kailangan munang “lumapit” o “makiusap” bago mapakinabangan?
Ito ang mainit na sigaw ng mahigit 70 medical societies at grupo ng health workers sa ilalim ng Healthcare Professionals Alliance After COVID-19 (HPAAC).
Mariing binatikos ng mga doktor at eksperto ang House budget subcommittee matapos hindi man lang irekomenda ang pagtaas sa 2027 budget ng PhilHealth, na mananatili sa limitadong P74.4 billion sa bersyon ng Kamara.
Samantala, nagbuhos naman sila ng karagdagang P24.97 billion para sa kontrobersyal na Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), na magpapalobo rito sa kabuuang P49.19 billion.
Bakit natin ito dapat bantayan? Dahil malinaw ang babala ni Dr. Antonio Dans at ng mga health advocate na ang P74.4 billion ng PhilHealth ay posibleng maubos agad pagdating pa lang ng Marso.
Ang pagkaubos ng pondo ng PhilHealth ay magdudulot ng matagalang pagkaantala sa pagbabayad sa mga ospital, kung saan ang mga mamamayan sa malalayong lalawigan ang unang papasan ng dusa.
Gaya ng giit ng Social Watch Philippines, ang hindi pagbibigay ng sapat na pondo sa PhilHealth ay parang tahasang pagbosabotahe sa mismong sistema ng Universal Health Care.
Nawawalan ng katuturan ang pampublikong pondo kapag ginagawa itong “soft pork” at kasangkapan sa politika—isang sistemang nagtutulak sa mga mamamayan na magmakaawa para lamang makuha ang nararapat nilang karapatan sa kalusugan.
Hindi alibi ang kawalan ng pera dahil may P311 billion na naipong pondo mula sa sin taxes, PCSO, at PAGCOR na dapat ay pumasok sa PhilHealth. Ang kailangan lang ay totoong political will.
Sana naman ay huwag lang tingnan ng ating mga mambabatas ang mga taong naaabutan nila ng sobre o tulong sa harap ng camera.
Tingnan din nila ang milyun-milyong Pilipinong pumipila sa mga ospital araw-araw, na ang tanging inaasahan ay ang pangakong hindi sila mamumulubi kapag sila ay nagkasakit.
