Nahaharap sa matinding hamon ang pamunuan ng Barangay San Isidro sa Taytay, Rizal matapos madatnang nakakandado ang mahahalagang opisina ng barangay hall kasunod ng opisyal na pagpapatupad ng suspension order laban kay Punong Barangay Vivian Reyes-Yupangco.
Isinilbi ang suspension order kay Reyes-Yupangco kaugnay ng mga kasong Gross Neglect of Duty at Dereliction of Duty. Dahil dito, opisyal na umupo bilang Acting Punong Barangay si Kagawad Arky Manning upang pamunuan ang barangay at tiyakin ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.
Subalit sa pagpasok ni Manning sa kanyang unang opisyal na araw ng pagtatrabaho, nadatnan nitong nakasara at nakakandado ang Treasury Department, ang Special Projects Office, at ang mismong opisina ng Punong Barangay.
Dahil sa kawalan ng maayos na turnover at hindi maibigay na mga susi, naantala ang pagpapasweldo at pagbibigay ng honorarium sa mga kawani ng barangay na maagang pumila at umuwi na lamang nang walang natanggap na pondo.
Nahihirapan din ang bagong pamunuan na makapagbigay ng direktang serbisyo sa mga residenteng nangangailangan ng tulong.
Ayon kay Manning, tatlong araw na nilang hinahanap ang mga susi ng mga opisina. Nang tanungin naman ang barangay secretary ukol sa usapin, iginiit nitong wala sa kanya ang access at nasa suspendidong kapitan ang mga susi, habang nagbitiw na rin umano sa pwesto ang building administrator.
Dahil dito, nanawagan si Acting Punong Barangay Arky Manning kay Reyes-Yupangco at sa iba pang kaugnay na opisyal na isantabi muna ang politika at unahin ang kapakanan ng mga mamamayan ng Barangay San Isidro upang agad na maipagpatuloy ang mga pampublikong serbisyo at operasyon sa barangay hall.
