Mahigit isang daang kasapi ng urban poor at mga pamilyang inilipat sa mga pabahay ang nagprotesta sa labas ng tanggapan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) nitong Oktubre 5, kasabay ng pagdiriwang ng World Habitat Day.
Batay sa ulat ng mamamahayag na si Val Gonzales ng DZRH, tinutulan ng mga nagprotesta ang Republic Act No. 12216 o ang bagong National Housing Authority (NHA) Charter.
Ayon sa grupo, naglalagay ang naturang batas sa mga pamilya sa panganib ng pagpapalayas kapag hindi sila nakapagbayad ng hulog sa pabahay sa takdang oras.
Inihayag ng mga relocatee mula sa Bulacan at Cavite na hindi kakayanin ng mga pamilyang umaasa lamang sa minimum wage ang buwanang hulog na halos P4,000 sa ilalim ng pinalawak na programang 4PH.
Nangangamba rin silang mapalayas nang walang maayos na relokasyon malapit sa kanilang mga pinagkakakitaan, at nang walang sapat na batayang serbisyo at proteksyong panlipunan.
Ginamit din ng grupo ang pagkakataon upang tuligsain ang mga probisyon ng batas na nagpapahintulot umano ng pagpapalayas nang walang utos mula sa korte, kaya’t ipinanawagan nila ang pagpawalang-bisa sa itinuturing nilang batas na anti-poor.
Hinimok ng mga nagprotesta ang pamahalaan na magpasa ng isang Comprehensive Public Housing Act na may pondong katumbas ng 2 porsyento ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa, itigil ang pribatisasyon ng mga lupain ng NHA, at magtayo ng in-city public rental housing para sa mga manggagawa at mga pamilyang mababa ang kinikita.
