Photo: PhilHealth/FB
Nagsanib puwersa ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ang mga nangungunang health maintenance organization (HMO) pati na rin ang mga pribadong health insurer (PHI) sa bansa upang gawing mas abot-kaya at mabilis makuha ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan ng mga Pilipino.
Pormal na nilagdaan ng PhilHealth at ng mga katuwang nitong kumpanya—kabilang ang Maxicare, MediCard, PhilhealthCare, Health Plan Philippines, UCPB General Insurance, Intellicare, Medicare Plus, Avega, Cooperative Health Management Federation, Pacific Cross, iCare, Manulife, at InLife Benefits—ang isang Memorandum of Understanding (MOU) para sa PhilHealth YAKAP – HMO/PHI Benefit Complementation initiative bilang pagsuporta sa Universal Health Care (UHC) Law.
Sa ilalim ng kasunduang ito, ang Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ng PhilHealth ang magsisilbing pangunahing proteksyon o first layer of coverage para sa primary care services, habang ang mga pribadong insurer naman ang magpupuno sa mga karagdagang benepisyo.
Ayon kay PhilHealth Acting President at CEO Dr. Beverly Lorraine C. Ho, dahil ang YAKAP ang magiging unang panangga, makatutok ang mga pribadong partner sa mga serbisyong lampas sa package ng pamahalaan upang mas masulit ng bawat Pilipino ang bawat pisong ginagastos sa kalusugan.
Binigyang-diin din ni PhilHealth Board Member at Finance Secretary Frederick D. Go na ang sistemang ito ay makatutulong sa pagbuo ng mas malusog at mas produktibong bansa.
Magsisilbing secondary payers ang mga HMO at PHI para sagutin ang mga gastos na lumalagpas sa limitasyon ng PhilHealth o mga wala sa primary care coverage, tulad ng mga specialized procedure, branded na gamot, o pagpapataas ng kategorya ng silid sa ospital.
Sakop ng programang YAKAP ang mga konsultasyon, 13 laboratory tests, mga piling gamot sa ilalim ng GAMOT package, at limang uri ng cancer screening tests.
Kabilang din sa mga specialized outpatient benefits ng PhilHealth ang gamot sa kagat ng hayop, maternal care, Tuberculosis DOTS, HIV/AIDS management, at mental health services.
Sa pamamagitan ng direktang pag-uugnay ng YAKAP sa mga pribadong insurance policy, maiiwasan ang dobleng pagbabayad at mababawasan ang out-of-pocket na gastusin ng mga pasyente.
Hinihikayat ng PhilHealth ang lahat ng miyembro na magparehistro sa YAKAP gamit ang eGovPH app, PhilHealth Member Portal, o sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth upang agad na magamit ang mga benepisyong ito.
