Inihayag ng Motorcycle Taxi Riders Organization (METRO) ang buong suporta nito sa muling pagpapatupad ng Non-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing lungsod at munisipalidad sa buong bansa.
Ayon sa grupo, bilang mga moto-taxi rider na araw-araw na naghahanapbuhay sa kalsada, naniniwala silang epektibong paraan ang NCAP upang mapanatili ang disiplina at pagsunod sa mga batas trapiko.
Binigyang-diin ng METRO na ang pagsusulong sa patakarang ito ay mahalaga para sa seguridad at road safety ng mga rider, iba pang motorista, pati na rin ng mga commuter at pedestrian.
Idinagdag pa ng grupo na ang mga patuloy na kumokontra sa NCAP ay silang posibleng mga sanay na lumabag sa batas.
Bagama’t pabor sa patakaran, mariing ipinapanawagan ng METRO na dapat maging mabilis, maayos, at makatarungan ang pagpapatupad nito.
Sinabi ng grupo na hindi dapat maging paraan ang NCAP upang pagkitaan o “gatasan” ang mga motoristang maayos na naghahanapbuhay at naghahatid-sundo ng mga pasahero sa kalsada.
Kaugnay nito, inihain ng METRO ang kanilang pangunahing hiling sa gobyerno na magkaroon ng malinaw at mabilis na proseso ng apela para sa mga maling huli, pati na rin ang pagpapatupad ng makatwirang multa na nababagay lamang sa uri ng paglabag.
Tiniyak naman ng samahan ang patuloy na pakikipagtulungan ng METRO sa publiko at sa pamahalaan upang makamit ang mas ligtas, maayos, at disiplinadong kalsada para sa lahat.
