Pormal na naghain ng joint petition sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang tatlong lokal na pamahalaan mula sa lalawigan ng Pangasinan upang humingi buong transparency at malinaw na accounting kaugnay ng paggamit sa pondo ng YAKAP Program at Provincial Special Health Fund (PSHF).
Ang nasabing hakbang ay pinangunahan ng mga kinatawan mula sa mga bayan ng Malasiqui at Bayambang, at ng lungsod ng Urdaneta.
Ayon kay Atty. Hue Jyro U. Go, tagapagsalita para sa mga LGU, layunin ng kanilang idinulog na mabusisi ang hatian ng pondo sa ilalim ng centralized system sa province-wide jurisdiction.
Ipinaliwanag ni Go na sa bawat P1,700 na nakalaang pondo ng PhilHealth kada benepisyaryo para sa primary health care, 20 porsyento o P340 lamang ang direktang naidada-download sa mga LGU, samantalang ang malaking bahagdan na 80 porsyento o P1,360 ay isinasama sa pinu-pool na pondo sa provincial level.
“Ang tanong natin ngayon: anong nangyari sa P1,360? Hinihingi po natin sa PhilHealth ang itemized list at accounting kung nagamit ba ito sa mga pasilidad, laboratory test, at medical services dahil hindi ito nararamdaman ng ating mga kababayan sa Pangasinan,” ani Go.
Nilinaw din niya na wala silang tahasang akusasyon ng pagnanakaw o korapsyon sa ngayon, ngunit nais lamang nilang makita ang opisyal na mga numero para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Bukod sa transparency, nais din ng tatlong LGU na pormal na kumalas sa Memorandum of Agreement (MOA) na pinasok nito sa lalawigan para sa naturang programa.
Nais ng mga LGU ng Malasiqui, Bayambang, at Urdaneta na direktang mapunta sa kanilang jurisdiction ang buong P1,700 na benepisyo upang mas maramdaman ng kanilang mga residente ang libreng serbisyong pangkalusugan, imbes na ang kakarampot na P340 lamang.
Tiniyak din ng kampo na may sariling mga health program ang mga naturang LGU para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan sakaling matuloy ang pagkalas.
Nang tanungin kung may plano silang maghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa mga sangkot na opisyal, sinabi ni Go na isa ito sa mga legal na opsyon na kanilang pinag-aaralan sakaling makakita ng anomalya, malversation, o maling paggamit ng pondo sa gagawing imbestigasyon at accounting ng PhilHealth.
Sa kasalukuyan, inaantay ng mga LGU ang opisyal na tugon at aksyon ng pamunuan ng PhilHealth hinggil sa ipinadalang dokumento.
