Muling bibigyang-buhay ang mayamang kultura at sining ng paghahabi sa bansa sa pagbubukas ng Philippine Handloom Weaving Festival (PHWF) 2026, na gaganapin mula Setyembre 18 hanggang 20, 2026 sa Quantum Skyview, Gateway Mall 2, Araneta City.
Sa ilalim ng temang “Experience the Soul and Innovation of Filipino Textiles,” layunin ng tatlong araw na pagtitipon na magbigay ng platform para sa mga lokal na tagahabi upang maipamalas ang mga likhang-kamay na nakaugat sa tradisyonal na kulturang Pilipino.
Bukod dito, layon ding ilapit ang kanilang natatanging sining sa mas maraming madla.
Hindi lamang ito simpleng exhibition ng mga likhang-kamay na produkto. Magsisilbi rin ang festival bilang isang daan upang maipakilala ang makabagong teknolohiya sa larangan ng tela (textile technology immersion).
Sa pamamagitan ng mga bagong inobasyong ito, mas madaling maidodokumento, maa-authenticate, mapoprotektahan, at mas mapauunlad pa ang mga tradisyonal na habing Pilipino.
Dumalo sa opisyal na paglulunsad sina Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum, Jr., DOST-PTRI Director Julius Leaño, Jr., Bb. Pilipinas International 2024 Myrna Esguerra, at iba pang mga opisyal bilang suporta sa pagpapalago ng lokal na industriya ng tela.
