Naglabas ng mahigpit na utos ang Bureau of Corrections (BuCor) sa lahat ng superintendents ng mga bilangguan at penal farm sa bansa na tiyaking mayroong fidelity bond ang lahat ng tauhang humahawak sa pondo ng Persons Deprived of Liberty (PDL) Trust Fund bago magsimula sa kanilang tungkulin.
Isinagawa ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang hakbang upang maiwasan ang paulit-ulit na maling paghawak sa pondo, gaya ng naitalang insidente sa Correctional Institution for Women.
“The fidelity bond serves as reimbursable insurance that protects the government from losses involving personnel entrusted with public funds, property, or other government assets,” ayon kay Catapang.
Nag-ugat ang utos sa imbestigasyon at internal audit na isinagawa ng Internal Audit Service Unit (IASU) mula Agosto 28 hanggang Setyembre 13 sa iba’t ibang pasilidad tulad ng Sablayan, Iwahig, Leyte Regional, San Ramon, Davao Prison and Penal Farm, at New Bilibid Prison.
Lumalabas sa pagsusuri na walang natagpuang manipulasyon, pagnanakaw, o personal na pananagutan sa iba pang pasilidad, ngunit binigyang-diin ni Catapang ang pangangailangang ayusin at patatagin ang internal control at documentation para sa proteksyon ng pondo ng mga PDL.
Kaugnay nito, ipinag-utos din ng pamunuan ang mabilis na paghahanda para sa pangkalahatang pagpapatupad ng Cashless IPX System.
Sa oras na ganap na itong maipatupad, ipagbabawal na ang karaniwang hawak-kamay na paggamit ng pisikal na pera sa mga transaksyon maliban na lamang sa mga piling sitwasyong may pahintulot.
Inatasan din ang lahat ng pasilidad na magsumite ng regular na ulat, tiyaking trained at bonded ang mga tauhan, at agad na iresolba ang anumang hindi pagtutugma sa mga talaan ng pondo ng mga bilanggo.
