Inihayag ng bus company na Victory Liner na magpapatupad ito ng consolidation o pagsasama ng ilang napiling biyahe kapag kinakailangan, kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang gastusin sa operasyon.
Dahil sa gagawing pag-aayos sa schedule ng mga biyahe, pansamantalang hindi rin magagamit ang kanilang online booking facility.
Ayon sa kumpanya, tulad ng ibang bus operator sa lalawigan, ginagawa nila ang lahat ng paraan upang mapanatiling makatwiran ang gastusin, mapangalagaan ang trabaho ng kanilang mga empleyado, at maipagpatuloy ang serbisyo sa publiko nang hindi nalulugi.
Humiling din ang Victory Liner ng pang-unawa mula sa mga pasahero, pati na rin ng patuloy na suporta mula sa pamahalaan para sa sektor ng pampublikong transportasyon na kasalukuyang nahaharap sa hamon ng mataas na bilihin habang pinapanatiling abot-kaya ang pamasahe.
Binigyang-diin ng management na sa kabila ng mahirap na sitwasyon ay patuloy silang gagawa ng paraan upang makapagbigay ng ligtas at maaasahang serbisyo sa mga commuter. (ARNOLD PAJARON JR)
