Pinangunahan ni Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang opisyal na pagbubukas ng “The (He)Art of Marikina: Homegrown” — isang pampublikong art exhibit na nagtatampok sa 56 na obra mula sa 29 na lokal na alagad ng sining. (Marikina LGU Photos)
Tampok ngayon sa Lungsod ng Marikina ang mga likhang-sining ng mga lokal na alagad ng sining matapos opisyal na buksan ng pamahalaang lokal ang isang libreng pampublikong art exhibit sa Marikina Heritage Building.
Pinangunahan ni Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang pagbubukas ng “The (He)Art of Marikina: Homegrown” noong Sabado, Setyembre 12, kasama ang iba pang opisyal ng lungsod, mga kalahok na pintor, at mga tagapagtangkilik ng sining.
Tampok sa nasabing art exhibit ang 56 na obra mula sa 29 na artist na nagmula sa lungsod.

Kabilang sa mga tampok na alagad ng sining sina Lydia Velasco, Fernando Sena, Remy Boquiren, Marilyn V. Aquino, Marj Sula-Aquino, Dennis G. Baquial, Yolanda Batara, Carl Vincent Bautista, Edgar Barrientos, Ramon B. Cañeza, Daisy Carlos, Kris Carlos, Chie Cruz, Isidora Velasco Duran, Isagani Fuentes, Esther Sevilla Garcia, at Jun Lopez.
Ipinamalas din ang mga obra nina Renn Magalang, Arlene Manalus, Clarisa Navidad, Luan Paras, Andy F. Pernia, Mario Bautista Panis, Marcelo C. Quezon, Gabriel Santiago, Bing Siochi, Andy “Abu” Urag, Melissa Villaseñor, at Bim Zabella.

Ayon kay Mayor Teodoro, ang art exhibit ay hindi lamang pagpapakita ng talento kundi isang pagdiriwang ng pagkamalikhain at pagsuporta sa komunidad ng mga artist.
“Sa likod ng bawat obra ay isang taong may makabuluhang ibinabahagi — isang alaala, pananaw, o hangarin. Karapat-dapat itong mabigyan ng silid sa buhay ng ating lungsod,” pahayag ng alkalde.

Binigyang-diin din ng alkalde ang patuloy na commitment ng pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng espasyo at pagkilala sa mga lokal na malikhaing residente.
Bukas ang art exhibit para sa publiko nang walang bayad mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Linggo (maliban kapag holiday).
Tatakbo ang “The (He)Art of Marikina: Homegrown” hanggang Nobyembre 23, 2026. Maaari ding bilhin ng mga bisita ang mga itinanghal na obra upang direktang suportahan ang mga kalahok na artist. (ARNOLD PAJARON JR)
