ISINILBI na ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban kay dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez nitong Lunes, Setyembre 7, habang nakaratay sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City dahil sa cardiovascular ailment at unstable blood pressure.
Kinumpirma ni Interior Secretary Jonvic Remulla na naisilbi na ang utos ng pag-aresto at pormal nang itinuturing na person deprived of liberty (PDL) ang dating opisyal.
“Chine-check natin araw-araw hanggang sa maging maayos ang kalagayan niya para maiharap sa korte,” pahayag ni Remulla. “In the meantime, mayroon kaming armed guards, armed police sa labas ng kanyang pinto at itinuturing na siyang person deprived of liberty.”
Isinugod sa ospital si Romualdez nitong Lunes ng hapon matapos makaranas ng anxiety attack nang maihain ng Office of the Ombudsman ang P7.44-bilyong kasong plunder laban sa kanya at tatlong iba pa.
Bukod kay Romualdez, inilabas din ng Sandiganbayan Third Division ang warrant of arrest laban kina dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, sa aide ni Romualdez na si Joselyn Tragua Serenio, at sa negosyanteng si Felicito Cristobal Guevarra matapos makakita ng probable cause.
Walang inirekomendang pyansa ang korte para sa kaso, bukod pa sa inilabas na Hold Departure Order (HDO) laban sa apat na akusado.
Nagtungo nitong Lunes ng gabi sa ospital sina Secretary Remulla, PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr, at mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-NCR) at Eastern Police District (EPD) para sa pagpapatupad ng utos ng korte.
Pinag-aaralan na rin ang posibilidad ng hospital arrest habang nagpapagaling ang mambabatas.
Batay sa sakdal ng Ombudsman, inaakusahan sina Romualdez at Co na tumanggap ng hindi bababa sa P7.44 bilyon bilang komisyon, kickback, at iba pang pinansyal na benepisyo sa higit 15 pagkakataon mula sa mga kontratistang humahawak ng flood control at infrastructure projects sa ilalim ng pambansang badyet mula 2022 hanggang 2025.
Samantala, pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad si Zaldy Co na nananatiling at-large at naiulat na nagtatangkang humingi ng political asylum sa Europa.
