Nanawagan si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito sa Department of Health (DOH) na magtakda ng malinaw na target sa pagtatapos ng taon upang tiyaking mararamdaman ng mga karaniwang Pilipino ang kapakinabangan ng panukalang P353.6-bilyong budget ng kawanihan para sa fiscal year 2027.
“Ang gusto nating makita sa budget na ito ay malinaw. Hindi lang mas malaking pondo, kundi mas accessible na serbisyong pangkalusugan at mas mababang out-of-pocket medical expenses,” giit ni Ejercito.
Ang itinutulak na pondo ay mas mababa ng P94.5 bilyon kumpara sa budget noong 2026.
Kabilang sa mga naapektuhan ng kaltas ay ang direktang alokasyon sa DOH na bumaba ng 11.4 porsyento (P264 bilyon) at ang pondo para sa PhilHealth na nabawasan ng 42.6 porsyento P74.4 bilyon).
Nalagasan din ng pondo ang mga pangunahing specialty hospital sa bansa, kabilang ang Lung Center of the Philippines na nabawasan ng 56.9 porsyento, Philippine Children’s Medical Center na may 46 porsyentong bawas, National Kidney and Transplant Institute na nabawasan ng 34.2 porsyento, at Philippine Heart Center na nabawasan ng 28.5 porsyento.
Sa kabila nito, nanawagan ang DOH sa mga mambabatas na ibalik ang pondo para sa health facilities enhancement upang maiwasan ang pagpuno ng mga pasyente sa mga rehiyonal na ospital.
Samantala, kinuwestiyon naman ni Senate President Sherwin Gatchalian ang sistema ng pamamahagi ng bakuna matapos matuklasang umabot sa P590 milyong halaga ng childhood vaccines ang na-expire lamang sa mga central storage noong 2025 habang nagkukulang naman ang supply sa mga pamahalaang lokal.
Ibinintang naman ni Senator Raffy Tulfo ang anomalya sa umano’y korapsyon sa procurement kung saan binibili umano ang mga malapit nang ma-expire na gamot mula sa mga paboritong kontratista kapalit ng kickback.
Bilang tugon, inihayag ng DOH ang planong pagpapadala ng 24,381 health professionals sa mga lalawigan sa pamamagitan ng National Health Workforce Support System upang mapalakas ang Universal Health Care, kasabay ng pangakong idi-digitalize at pagbubutihin ang kanilang supply chain network para maiwasan ang pagsasayang ng mga gamot at bakuna.
