Person in handcuffs
KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang kelot matapos magnakaw, ay nakuhanan pa ng baril at illegal na droga sa Valenzuela City, Martes ng madaling araw.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Jovert”, 26, ng Barangay Caingin, Meycauayan City, Bulacan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang natutulog sa loob ng kanilang bahay sa P. Gregorio Extension, Barangay Linguna ang biktimang si alyas “Bryan”, 45, nang magising siya at makita ang suspek na nasa loob dakong alas-3:30 ng madaling araw.
Nang mapansin naman ng suspek na nagising ang biktima, kaagad itong tumakas habang nang tignan ni ‘Bryan’ ang kanyang mga gamit ay nadiskubre nito na nawawala na ang kanyang cellphone at P40,000 cash na nakalagay sa loob ng bag.
Kaagad nagtungo ang biktima sa barangay Lingunan para i-report ang insidente na nagkataon namang naroon sa barangay ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 6 na silang hiningan ng tulong ni ‘Bryan’.
Kasama ang biktima, kaagad nagsagawa ng follow up operation ang mga pulis hanggang sa makita nila ang suspek na naglalakad sa kahabaan ng Acacia Street, sa nasabing barangay na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-6:00 ng umaga nang positibong itinuro ng biktima.
Nabawi sa suspek ang itim na belt bag, cellphone at P5,350 cash na pagmamay-ari ng biktima habang nasamsam pa sa kanya ang isang improvised firearm na kargado ng isang bala at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,176.00.
Kasong paglabag sa Article 308 (Theft) of the RPC, R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng Inquest Proceedings. JUVY LUCERO
