Naglabas ng abiso sa publiko ang kumpanya ng bus na Victory Liner hinggil sa pagbabago ng ruta ng lahat ng kanilang northbound trips patungong amihanang Luzon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Ayon sa pamunuan ng Victory Liner, pansamantalang idinidirekta ang kanilang mga bus palayo sa Candaba Viaduct ng North Luzon Expressway (NLEX) alinsunod sa direktiba ng NLEX traffic authorities dulot ng matinding dami ng mga sasakyang dumadaan sa lugar.
Dahil dito, ang lahat ng northbound trips ay pansamantalang dadaan sa Nueva Ecija corridor, na magdudulot ng mas mahabang oras ng paglalakbay.
Inaabisuhan ang mga pasahero na maglaan ng hindi bababa sa 10 hanggang 14 oras o higit pa para sa kanilang biyahe.
Hinihikayat din ng kumpanya ang mga bumiyahe na kung hindi naman napakahalaga o urgent ang lakad ay ipagpaliban muna o baguhin ang petsa ng pagbiyahe.
Nagpaabot ng humingi ng paumanhin ang Victory Liner sa naidulot na abala at humiling ng pang-unawa mula sa publiko habang patuloy na itinaguyod ang kaligtasan ng mga pasahero patungo sa kanilang destinasyon.
