Isang 15-anyos na Junior High School student ang natagpuang wala nang buhay matapos malunod sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Barangay Pila-Pila, Binangonan, Rizal noong Hulyo 30, 2026.
Kinilala ang biktima na si alyas “Jericho,” isang residente ng Aralan St., Brgy. Pila-pila.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng Binangonan Municipal Police Station na huling nakitang naglalaro ang biktima sa dalampasigan ng lawa dakong 1:30 ng hapon. Subalit dahil sa malalakas na hampas ng alon, tinangay ito sa malalim na bahagi ng tubig at hindi na muling nakita.
Dakong 2:40 ng hapon nang mapansin ng mangingisda at BPSO member na si alyas “Noel,” 44 anyos, ang lumulutang na katawan ng biktima malapit sa Pritil habang papalaot sana ito para mangisda.
Agad na humingi ng saklolo si Noel sa iba pang kapwa mangingisda upang maiahon ang labi ng biktima. Mabilis ding ipinarating ang kaganapan sa Punong Barangay na siyang nakipag-ugnayan sa kapulisan.
Sa pagsusuri ng mga imbestigador sa cadaver, walang nakitang anumang senyales ng foul play.
Inilipat ang labi ng biktima sa Jumils Funeral Service, kung saan pormal itong kinilala ng kaniyang lola.
Nagdesisyon ang pamilya na huwag nang isailalim sa autopsy examination ang bangkay.
