Nagbukas ng Emergency Loan program ang Government Service Insurance System (GSIS) para sa mga aktibong miyembro at pensioners na nasalanta ng pagbaha at pinsalang dulot ng Southwest Monsoon (Habagat) na pinalakas ng Bagyong Luis at Maymay.
Ayon sa GSIS, layunin ng tulong-pinansyal na ito na umagapay at maging sandigan ng mga miyembro sa agarang pangangailangan at sa unti-unting pagbangon mula sa epekto ng kalamidad.
Maaaring makahiram ng PHP 20,000 ang mga kwalipikadong aplikante na walang umiiral na emergency loan. Samantala, PHP 40,000 naman ang inilaan para sa mga may umiiral nang loan, kung saan ang net proceeds ay hindi lalagpas sa PHP 20,000.
Nakatakda ang panahon ng aplikasyon ngayong taong 2026 sa mga sumusunod na lugar: Cavite (August 13 – November 12); Pangasinan sa Dagupan at Mangaldan, Calumpit sa Bulacan, at Pampanga (August 14 – September 13); Rodriguez, Rizal (August 17 – November 16); Sta. Barbara, Pangasinan (August 19 – September 18); at Hagonoy, Bulacan pati na ang Masinloc, Zambales (August 21 – September 20).
Maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong miyembro at pensioner gamit ang GSIS Touch mobile app. Para sa karagdagang detalye at inquiries, bisitahin ang www.gsis.gov.ph, mag-email sa gsiscares@gsis.gov.ph, o tumawag sa hotline 8847-4747 (Toll-free: 1-800-8847-4747 sa Globe/TM; 1-800-10-8474747 sa Smart/TNT/Sun).
