Mariing igigiit ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo Ordanes ang ganap na pagpapatupad ng Republic Act Nos. 11350 at 11916 sa nalalapit na budget hearings ng Kongreso, partikular ang buong paglilipat ng pamamahala at pamamahagi ng social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) tungo sa National Commission of Senior Citizens (NCSC).
Inihayag ng mambabatas na sa ilalim ng RA 11916 na naipasa noong Hulyo 2022, malinaw na itinatakda ang tatlong taong palugit upang ganap na ilipat sa NCSC ang Social Pension Program mula sa DSWD. Bukod dito, itinatakda rin ng RA 11350 ang paglilipat ng lahat ng mga programa ng DSWD para sa mga mahihirap at vulnerable na senior citizen sa naturang komisyon.
Puna ni Ordanes, dapat magbigay ng malinaw na legal at operational na paliwanag ang pamahalaan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang mandatory transfer, habang pinaiiral pa rin ang Executive Order No. 96 na nagpapanatili ng programa sa ilalim ng DSWD.
Sa paghaharap ng proposed 2027 budgets ng NCSC at DSWD sa Kongreso, pormal na hihilingin ni Ordanes ang malinaw na accountability sa naging pagkaantala, kasama ang depinitibong plano upang mabilis na maipatupad ang utos ng batas.
“Hindi maaaring isantabi ang malinaw na itinatakda ng batas nang walang sapat na paliwanag. Ayaw nating magamit sa pulitika ang mga pambansang ayuda para sa senior citizens,” giit ng mambabatas.
Binigyang-diin pa nito na kailangang makuha agad ng mga lolo at lola ang kanilang nararapat na benepisyo ngayon at hindi kung kailan lamang malapit na ang eleksyon.
