Humihiling ang Bureau of Corrections (BuCor) ng humigit-kumulang P11.9 bilyong pondo sa ilalim ng FY 2027 National Expenditure Program, na mas mataas ng 9.6 porsiyento kumpara sa P10.88 bilyong badyet nito nitong 2026.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., gagamitin ang naturang pondong pambayad sa pangangailangan ng mga tauhan, pagpapabuti ng pasilidad, seguridad sa kulungan, pagpapadala ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa ibang penal facilities, at modernisasyon ng mga operasyon sa koreksyon.
Kasama sa itinaas na badyet ang P7.6 bilyon para sa Personnel Services, P3.7 bilyon para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), at P519.9 milyon para sa Capital Outlay.
Inihayag ni Catapang na reflective ang panukalang badyet sa patuloy na pagsisikap ng kawanihan na masolusyunan ang siksikan sa mga bilangguan, mapabuti ang imprastraktura, at palakasin ang seguridad at makataong rehabilitasyon para sa mga PDL.
Sa kasalukuyan, mayroong 10,425 authorized plantilla positions ang BuCor kung saan 9,831 dito ang filled at may natitira pang 725 bakanteng posisyon—kabilang ang 592 corrections officers, 108 corrections technical officers, at 25 civilian personnel. Target nitong mapaganda ang kasalukuyang ratio ng tauhan sa mga preso na nasa 1:17 para sa corrections officers (malayo sa ideal na 1:7) at 1:120 sa technical officers (malayo sa ideal na 1:24) sa ilalim ng Republic Act No. 10575.
Mananatili ring hamon ang overcrowding dahil kasalukuyang humahawak ang BuCor ng 52,356 PDLs sa mga pasilidad na may capacity lamang na 17,211. Ito ay katumbas ng 305% occupancy rate at 204% congestion rate.
Gayunpaman, sa New Bilibid Prison (NBP), bumaba ang siksikan mula 313% noong 2022 tungo sa 40.58% ngayong taon dahil sa patuloy na paglilipat ng mga preso sa iba’t ibang regional penal farms.
Kasama rin sa Capital Outlay budget ang unang taong pondo para sa pagpapatayo ng isang super maximum-security facility sa Curuan, Zamboanga, na magsisimula sa pagtatayo ng Level 1 PDL dormitory na kayang maglaman ng 500 preso.
