Naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pinakamababang poverty rate sa kasaysayan ng bansa matapos bumaba sa 9.7% ang poverty incidence noong 2025 mula sa 15.5% noong 2023, ayon sa ulat ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev).
Bunga nito, humigit-kumulang 6.5 milyong Pilipino ang nakaahon sa hirap, habang pumatak na lang sa 6.4% ang poverty rate sa pamilyang Pilipino.
Batay sa pamantayan ng PSA FIES Report, itinuturing na mahirap ang isang pamilyang may limang miyembro kung ang kabuuang kita nito ay mas mababa sa P14,634 kada buwan o humigit-kumulang P97 bawat indibidwal sa isang araw upang matugunan ang basic food at non-food needs.
Gayunman, pinalagan ng IBON Foundation ang inilabas na datos ng pamahalaan at sinabing “unrealistic” at napakababa ng ginamit na poverty threshold.
Iginiit ng grupo na dahil sa mababang sukatan, tinatago lamang ng opisyal na estatistika ang totoong dami ng mga pamilyang Pilipinong naghihirap sa gitna ng mataas na bilihin.
