Idineklarang special non-working days ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tatlong bayan sa mga lalawigan ng Quezon, Cagayan, at Sultan Kudarat para sa buwan ng Agosto upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng kanilang mga pambansang okasyon at festivals.
Batay sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto ang Proclamation No. 1391 na nagdedeklara ng Agosto 26 bilang holiday sa Buenavista, Quezon para sa Founding Anniversary nito.
Samantala, inihayag naman sa Proclamation No. 1393 ang Agosto 27 bilang holiday sa Alcala, Cagayan para sa taunang Pasayak Festival.
Bukod dito, idineklara rin sa ilalim ng Proclamation No. 1394 ang Agosto 28 bilang special non-working day sa Isulan, Sultan Kudarat para sa kanilang Founding Anniversary at paghahanda sa Hamungaya Festival.
Binigyang-diin ng Malacañang na nararapat lamang na mabigyan ng buong pagkakataon ang mga mamamayan sa mga nasabing bayan upang makilahok at makipagdiwang sa kanilang mga lokal na okasyon.
