Isang .357 Smith & Wesson Magnum revolver ang narekober ng mga awtoridad mula sa bag ng isang 14-anyos na estudyante sa loob ng Lut-od National High School sa bayan ng Pinamungajan, Cebu.
Batay sa ulat ng Cebu Police Provincial Office, nadiskubre ang baril—na walang kargang bala—bandang 3:50 ng hapon nang magkasa ng surprise inspection ang isang guro sa klase.
Sa paunang imbestigasyon, kinuha umano ng minor ang baril mula sa cabinet ng kaniyang lolo sa kanilang bahay sa Brgy. Lut-od bago pumasok sa eskwelahan.
Pormal nang inilipat ang bata sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa kaukulang intervention.
Pinuri naman ni CPPO Director PCol. Abubakar Udang Mangelen Jr. ang pagiging alerto at mabilis na aksyon ng mga guro upang maiwasan ang anumang posibleng pinsala o aksidente sa paaralan.
