Pormal nang nag-bitiw sa kaniyang tungkulin bilang Wing Commander at Brigadier General ng Philippine Air Force (PAF) Reserve Force ang negosyante at dating 1-Pacman Representative Michael “Mikee” Romero matapos kumalat sa social media ang usapin ukol sa kaniyang mga natanggap na parangal at medalya.
Sa kaniyang liham kay AFP Chief General Antonio Nafarrete noong Agosto 19, 2026, sinabi ni Romero na agad na epektibo ang kaniyang pagre-retire.
Nag-ugat ang isyu sa isang larawan kung saan tila mas marami pa ang medalya ni Romero kaysa sa AFP Chief, kabilang ang umano’y Gold Cross Medal na ibinibigay lamang sa mga bayani sa pakikipaglaban.
Nilinaw naman ni Romero na ang kaniyang medalya ay Gawad sa Kapayapaan para sa tulong nito sa pagbili ng tatlong C-130 plane noong siya ay mambabatas pa.
Dahil sa insidente, nagkasa na ng malalimang imbestigasyon ang PAF at AFP upang suriin ang mga probisyon at proseso ng pagbibigay ng promosyon at medalya sa mga reservists.
Suportado naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang ginagawang pagsusuri upang mapangalagaan ang kredibilidad at meritokrasya sa buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
