PATAY ang 51-anyos na babaeng pangulo ng Home Owners Association (HOA) habang sugatan ang kanyang Treasurer nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa loob ng kanilang tanggapan sa Caloocan City, Huwebes ng hapon.
Kaagad nalagutan ng hininga sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si alyas “Gina” pangulo ng Brilliant Stone Village HOA at residente sa naturang village sa Bagumbong Dulo, Brgy. 171 habang ginagamot naman sa isang pagamutan sa Quezon City ang 45-anyos na treasurer na si alyas “Cely” sanhi rin ng tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ni ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nasa loob ng kanilang tanggapan sa Brilliant Stone Village ang mga biktima para tumanggap ng buwanang bayad sa lupa nang pumasok ang suspek na nakasuot ng itim na jacket, itim na helmet, at maong na short pants alas-3:30 ng hapon.
Kaagad umanong naglabas ng baril ang suspek at pinagbabaril ang mga biktima bago mabilis na tumakas patungo sa hindi matukoy na direksyon sakay ng walang plakang itim na Yamaha Mio motorcycle na minamaneho ng kanyang kasabuwat.
Sa inisyal na ulat ng Caloocan police, bilang pangulo ng HOA ay may mga pagbabanta na natatanggap sa kanyang buhay ang biktima noon pa man na may kaugnayan umano sa away sa lupa.
Noong taong 2020, pinagbabaril ang bahay ng biktima ng hindi nakilalang suspek kaya’t minabuti niyang umuwi muna ng probinsiya at ng inaakalang wala ng banta sa kanyang buhay ay bumalik na muli sa kanyang tirahan.
Nakuha ng pulisya sa crime scene ang limang basyo ng bala, isang depormadong bala, isang tingga, isang bala at dalawang metallic fragment na pawang nagmula sa kalibre .45 pistola habang patuloy ang follow-up operation ng mga tauhan ni Col. Goforth para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek. JUVY LUCERO
