PATAY ang 35-anyos na kelot matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek sa harap ng isang tindahan sa Malabon City, Lunes ng gabi.
Kaagad binawian ng buhay sanhi ng mga tinamong mga tama ng bala sa ulo, likod, at kanang braso ang biktimang si Kenneth Alapide, residente ng Dimpsite, Sito 6, Brgy. Catmon habang mabilis na tumakas ang hindi pa batid na bilang ng mga salarin patungo sa hindi natukoy na lugar.
Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nangyari ang insidente ng pamamaslang dakong alas-10:30 ng gabi sa harap ng isang tindahan sa Block 1, NASACA, Sitio 6, sa naturang barangay.
Sa pahayag sa pulisya ng may-ari ng tindahan na si alyas “Emerson”, umupo sa harapan ng kanyang tindahan ang biktima upang doon humitit ng binili sa kanyang sigarilyo habang pumasok naman siya sa loob ng bahay para magpahinga.
Makalipas ang ilang sandali ay nakarinig na siya ng sunod-sunod na putok ng baril kaya gumapang siya palabas nang tumigil ang pamumutok at dito niya nakita ang duguan at wala ng buhay na katawan ng biktima na nakahandusay na sa lapag.
Ayon kina P/MSg Ernie Baroy at P/MSg Diego Ngippol, may hawak ng kaso, na nakuha sa crime scene ang siyam na basyo at anim na depormadong bala mula sa kalibre .45 pistola na isasailalim sa ballistic examination habang inaalam pa nila ang motibo sa pamamaslang, pati na ng pagkakakilanlan sa mga suspek.
