Lumubog sa biglaang pagbaha o flash floods ang maraming bahagi ng Metro Manila matapos magbuhos ang Habagat ng 201.7 millimeters (mm) na ulan sa loob lamang ng limang oras ngayong Lunes, Agosto 17, 2026.
Batay sa datos ng PAGASA Science Garden Station na isiniwalat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), naitala ang tuloy-tuloy na malakas na ulan mula 9 AM hanggang 2 PM.
Ang pinakamatinding buhos ay naganap sa pagitan ng 12 PM at 2 PM kung saan pumalo agad sa 138 mm ang ulan sa loob lamang ng dalawang oras, na naging dahilan ng mabilisang pagtaas ng tubig sa mga pangunahing kalsada.
Agad namang nagdeploy ang MMDA ng kanilang flood control personnel sa mga apektadong kalsada upang linisin ang mga nababarahang kanal at pabilisin ang paghupa ng baha.
Pinapayuhan ang mga biyahero at motorista na tumawag sa hotline 136 o sumubaybay sa opisyal na pahina ng MMDA para sa mga update sa lagay ng kalsada.
