Nanawagan si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio sa House Committee on Appropriations ngayong Lunes, Agosto 17, 2026, na alisin ang panukalang P107.4 bilyong pondo para sa flood control projects sa 2027 National Expenditure Program (NEP) at ilaan na lamang ito sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa gitna ng patuloy na anomalya sa mga infrastructure projects.
Iginiit ni Tinio na nananatiling malaki ang kakulangan sa silid-aralan sa buong bansa na umaabot sa 160,000, subalit 700 bagong classrooms lamang ang nakaplanong itayo ng Department of Education (DepEd) sa 2027.
Dahil dito, kinwestiyon ng mambabatas kung paano matutupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ipinangakong 40,000 silid-aralan bago matapos ang kaniyang termino sa 2028 kung napakababa ng taunang target ng pamahalaan.
Bukod dito, pinalagan din ng mambabatas ang kawalan ng pagbabago sa proseso at pagpili ng mga flood control project, kasabay ng pagbabala sa posibleng pagbabalik ng “pork barrel” sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF).
Gayunman, itinanggi naman ni DBM Secretary Kim Robert de Leon ang mga alegasyon ukol sa pondo at iginiit na nakalaan ang budget batay sa mga kailangang programa ng ahensya. (LIMUELTOLENTINO)
