Inilunsad sa Lungsod ng Cebu ang flagship advocacy project na “Sagip CPR” bilang paunang yugto ng Philippine Nautical Highway campaign, sa pakikipagtulungan ng Cebu City Local Government Unit, Philippine Coast Guard (PCG), Department of Health (DOH), at ng Bell-Kenz Pharma.
Nagtaon ang paglulunsad sa nalalapit na pagdiriwang ng National Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) Day at sa ika-20 anibersaryo ng Bell-Kenz Pharma.
Layunin ng nasabing inisyatibo na turuan ang isang milyong Pilipino ng Hands-Only CPR at pangunahing kasanayan sa basic emergency response upang makapagbigay ng agarang paunang lunas bago pa man dumating ang mga propesyonal na tagasagip.

Pinili ang Cebu City bilang unang hinto dahil sa estratehikong lokasyon nito sa gitna ng kapuluan ng Pilipinas at sa mahalagang papel nito sa kalakalan at turismo sa pamamagitan ng mga rutang pandagat.
“Ang gusto naming gawin, baybayin itong islands from north to south. Magkaroon ng training in key ports in our country, including Cebu of course being the heart of the Philippines,” ayon kay Patrick Larraga, Corporate Branding at Public Relations Head ng Bell-Kenz Pharma.
Pinangunahan ni Dr. Alexis Dimapilis, Disaster Risk Reduction and Management in Health Manager ng San Lazaro Hospital at National Course Director for Basic Life Support, ang pagsasanay kung saan itinuro ang tamang pagsasagawa ng Hands-Only CPR at mga praktikal na hakbang sa pagtugon sa cardiac emergencies.
Dumalo at nagpadama ng buong suporta sa programa sina Cebu City Mayor Nestor Archival, kasama sina PCG Rear Admirals Roben De Guzman at Agapito Bibat, na kapwa nagbigay-diin sa kahalagahan ng kahandaan sa aksidente at sakuna para sa mga frontline personnel at mamamayan.

“Umasa tayo na sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, makukuha ninyo ang pinakamahusay na kaalaman upang maibahagi rin sa iba pang mga tao,” pahayag ni Mayor Archival.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Rear Admiral De Guzman sa Bell-Kenz Pharma at sinabing sa pamamagitan ng mga ganitong proyekto, “mas magiging ligtas ang bansa maging sa lansangan, paaralan, trabaho, o sa mga pasyalan.”
Sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga komunidad na nasa kahabaan ng Philippine Nautical Highway, layon ng proyekto na pataasin ang kumpiyansa ng mga biyahero at itaguyod ang mas ligtas na mga destinasyon sa buong bansa.
