Hinihikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang higit 1,000 bagong graduates ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Ilocos Norte na gamitin ang kanilang mga natutunang kasanayan at sertipikasyon upang magbukas ng magagandang oportunidad at makatulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sa kaniyang talumpati sa harap ng 1,150 nagtapos sa Ilocos Norte National High School Gymnasium, binigyang-diin ng Pangulo na ang pagbibigay ng pagsasanay sa mga Pilipino ay pamumuhunan para sa mas matatag na pamilya at masiglang pamayanan.
“Patunay ito na bawat isa sa inyo ay maaaring maging susunod na boss ng sarili ninyong negosyo, ng sarili ninyong mga kompanya,” pahayag ni Marcos ukol sa mga graduates na nagtapos sa mga kursong tulad ng Welding, Cookery, Barista, at Heavy Equipment Operation.
Binati rin ni TESDA Secretary Kiko Benitez ang mga nagtapos habang tinawag silang “ambassadors of tech-voc education.”
Ayon kay Benitez, ang technical-vocational training ang pinakamabilis na daan patungo sa pagkakaroon ng trabaho at pangkabuhayan na agarang nag-aangat sa antas ng pamumuhay ng mga mamamayan.
