Nayanig ang pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte matapos ihayag ni Senator-judge Robinhood Padilla na siya ay isang komunista habang inuusisa ang isang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa kasaysayan ng Russia at geopolitics sa bansa.
Sa ikalimang araw ng paglilitis ngayong Martes, Hulyo 14, 2026, ginulat ng aktor-pulitiko ang Senado nang prangka nitong ihayag ang kaniyang ideolohiya sa gitna ng pagtatanong kay NBI-BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc kaugnay ng Artikulo IV ng reklamong impeachment, na tumatalakay sa umano’y matinding pagbabanta (grave threats) ng Bise Presidente laban sa Unang Pamilya at sa dating Speaker ng Kamara.
Nagsimula ang mainit na palitan nang usisain ni Padilla si Lotoc ukol sa tinatawag na “Romanov”—ang huling pamilyang maharlika na namuno sa Russia na pinaslang ng mga Bolshevik/Komunista noong 1918.
Nang kumpirmahin ng opisyal ng NBI na may kaunting kaalaman ito sa kasaysayan, agad na iniugnay ng senador ang sitwasyon sa pamilya nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte na parehong kilalang mortal na kalaban ng mga makakaliwang grupo sa Pilipinas.
“Hindi po ba dapat isipin natin ‘yung Romanov eh tungkol sa threat na pumapasok sa mga pamilya na namumuno dito sa ating bayan na lumalaban sa komunista. Komunista po ako ah. Gusto ko lamang pong alamin ninyo,” pahayag ni Padilla sa opisyal ng NBI.
Ipinunto ng senador na kung ang Romanov ay pinaslang ng mga komunista, ang pamilya naman nina Duterte at Marcos ay nahaharap sa mga banta dahil sa kanilang agresibong kampanya laban sa insurhensya. Binigyang-diin pa nito ang paghawak ni VP Duterte sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) bilang patunay ng kaniyang papel sa paglaban sa mga rebelde.
Bago ang kaniyang kontrobersyal na pahayag, ginisa muna ni Padilla si Lotoc ukol sa integridad nito bilang opisyal ng batas. Diretsahang tinanong ng senador kung may mga kinakaharap o naisampang kaso laban sa kaniya sa nakalipas na 12 taon niya sa ahensya.
BASAHIN: NBI witness: Duterte, nakitaan ng matibay na batayan sa kasong Grave Threats at Inciting Sedition
Depensa naman ni Lotoc, normal lamang sa mga NBI agent at iba pang law enforcers ang makasuhan dahil sa likas na panganib ng kanilang trabaho.
Inamin ng opisyal na may nakita siyang reklamo na ipinadala sa NBI laban sa kaniya para sa mga kasong arbitrary detention at unlawful arrest, ngunit nang suriin umano nila ito ay napatunayang peke ang notaryo ng Makati Court kaya itinuring nila itong mere scrap of paper.
Gayunman, binuweltahan ito ni Padilla at sinabing hawak niya ang isang “napakakapal” na dokumento na naglalaman ng mga reklamong perjury, robbery, extortion, at theft laban sa opisyal na hindi pa umano nasasagot mula pa noong Pebrero 29. Giit ng opisyal, handa niyang sagutin ang mga ito sa oras na makatanggap siya ng opisyal na abiso mula sa Office of the Ombudsman.
Matapos ang sunod-sunod na pagtatanong ni Padilla, pansamantalang sinuspinde ang pagdinig para sa isang maikling recess bago ipinagpatuloy ang pag-usisa sa iba pang mga testigo sa kaso.(KARLO GARCIA)
